Breaking News, Showbiz

Vice Ganda ibinahagi sa vlog ang komprontasyon nila ng ina

SA pinakabagong vlog ng ‘It’s Showtime’ host, Vice Ganda, ibinahagi nito ang emosyonal nilang usapan ng inang si Mrs. Rosario Viceral. Si Vice ang bunsong anak ni Rosario, subali’t hindi na nito nasubaybayang lumaki ang anak dahil nagpunta na ito sa Amerika para maghanap ng trabaho.

Inamin ni Vice Ganda na sumama ang loob niya sa kanyang ina na si Rosario Viceral nang umalis ito patungong Amerika upang magtrabaho. Isang OFW si Rosario sa US bago siya nakabalik ng Pilipinas after 20 years. Sa panahong ‘yun, sikat na sikat na si Vice at isa na sa mga host ng unkabogable noontime show ng ABS-CBN, ang ‘It’s Showtime.’

Sa naging komprontasyon ng mag-ina sa kanyang vlog, ikinasama raw nito ng loob ang pag-alis ng kanyang ina para mag-abroad.Sa  palagay ni Vice, hindi niya naramdaman na siya’y may ina na gagabay sa kanyang paglaki.

Sa panayam nito kay Rosario, aniya,“Hindi ko talaga intensyon ‘yun anak. Pero kasi, nung buhay pa ‘yung tatay mo, talagang gusto kong makarating sa Amerika para makatulong sa income. Kasi nga naglalakihan na kayo. Siyempre nasa isip ko, pagkain, puwede kong hati-hatiin sa inyong magkakapatid. Pero oras na pumasok na kayo ng kolehiyo, hindi ko na mahahati-hati ‘yun. Eh kakapiranggot ang income. Eh ang lola mo nandoon, so I wanted to take advantage of that… Gusto kong makapagtrabaho. Kasi dito sa atin, mahirap eh. Lalo na kung may edad ka na.” katuwiran ni Rosario.

Dahil isang ina, malungkot daw ang kanyang paglisan.

“Malungkot ako. Biruin mo, flight ko, alas nuwebe, madaling araw na hindi pa ako nakaimpake. Kasi niisip ko nga kayo. Pero pinaliwanag ko na [sa mga kapatid mo], aalis si nanay para maghanapbuhay. Kasi kung maghihintay lang ako ng biyaya na galing kay Mamang, [mamamatay tayo sa gutom].”

Isa sa mga pinagsisihan ni nanay Rosario  ay ang hindi niya nakitang lumaki si Vice, na bunso sa limang magkakapatid.

“Ang pinagsisihan ko ‘yung hindi ko nakita, dahil ikaw ‘yung pinakamaliit, ‘yung hindi ko nakita ang paglaki mo. Ikaw sa lahat ang hindi ko nasubaybayan lumaki. ‘Yun ang regret ko anak to tell you the truth.

“Kaya noong una kitang makita nung pumunta ka sa Amerika, nandoon lang ako sa isang sulok. Sabi ng kuya mo, ‘Matatandaan mo pa ba naman Nay ang mukha [ni Vice]?’ ‘Bakit hindi ko matatandaan eh anak ko ‘yun?’ Kaya paglabas na paglabas mo sa eroplano, nakita na kita. Sabi ko, ‘Ay ang tangkad ng anak ko, ibang iba na siya. Hindi na ‘yung Tutoy na iniwanan ko.'”

Hindi naman daw lingid sa ina na masama ang loob ni Vice sa kanyang pag-alis.

“I know, Kasi nga nung mga panahon na siguro kailangan mong mag-out, wala kang mapapagtanungan. Nasa isip ko ‘yung mga ‘yun. But I had no choice.”

Salaysay naman ni Vice: “Growing up, ang dami kong tanong. I didn’t understand. Bakit wala akong nanay, matalino naman ako pero walang mag-a-award sa akin sa school. ‘Yung questions ko about my sexuality, hindi ko alam kung kanino ie-explain. And I was developing this anger towards you. Not because I hated you but because I did not understand.

“Pero buti na lang matalino ako. Unti-unti naintindihan ko na. And the moment na I understood everything, nawala lahat nung sama ng loob ko kasi naintindihan ko. Naintindihan ko kung bakit mo ginawa. Naintindihan ko kung bakit nagdaan ako sa ganon. Tapos nung naintindihan ko, napatawad kita tapos napatawad ko rin ‘yung sarili ko,” maemosyong litanya ni Vice.

Dahil sa pagtataguyod sa kanila kesehodang lumayo ang ina, dito na-feel ni Vice na proud na proud siya sa ginawang pagsisikap ng kanyang ina para maitaguyod ang kanilang kinabukasan..

“Dati, nung hindi ko pa naiintindihan lahat, feeling ko ang hina mong tao. Ang hina ng nanay ko kasi nilamon siya ng kahinaan niya, at nagresulta ‘yun sa pagiging ulila ko. Pero nung naintindihan ko lahat, nung naunawaan ko lahat, I became so proud of you,

“Hindi lang naman ako ang nasaktan nung nangyari ‘yun, nasaktan ka rin,” sabi sa ina.

Hirit pa ni Vice, “Habang nasasaktan ang anak, nasasaktan din ang nanay. Habang umiiyak ang anak, umiiyak din naman ang nanay. Kaya nung naunawaan ko, sabi ko, ang tapang tapang mo.”

Hiling ni Nanay Rosario, sana ay napatawad na siya ng kanyang mga anak sa naging desisyon niya na mangibang bansa, dahil para lamang ito sa kapakanan nila.

“Hindi kita puwedeng mahalin nang hindi kita napapatawad, at hindi rin ako puwedeng maging anak mo nang hindi kita napapatawad. Dahil anak mo ‘ko at ikaw ang nanay ko, natural sa ating dalawa ang patawarin natin ang isa’t isa,” buwelo pa ni Vice.

“Wala [na] akong nararamdamang [sama ng loob]. May mga pagkakataong sumasama ang loob ko sa ‘yo, naiinis ako sa ‘yo, pero that’s life. Ganun ka rin naman. Pero hindi nababawasan ang pagmamahal ko sa ‘yo. Kung ipapanganak ako ulit, sa susunod na buhay, ikaw pa rin naman ang gusto kong maging nanay. At kahit iwan mo ako ulit at pumunta ka ng ibang bansa, okay lang ‘yun. Sasama ulit ang loob ko tapos patatawarin kita ulit at mamahalin kita ulit. Ikaw ang gusto kong nanay wala nang iba.” masayang pagwawakas ng mag-ina.

                                                            *****

            Mga nominado sa 36th PMPC Star Awards For Movies

INILABAS na ng PMPC ang mga nominado sa ika-36th Star Awards for Movies. Dahil sa kasalukuyang pandemya, sa mga susunod na raw pa ihahayag ng PMPC kung kailan at saan gaganapin ang gabi ng parangal para sa nasabing samahan ng mga manunulat.

Kapansin-pansing mga bagets actors mula sa mga indie films ang susubok agawin ang major award for Best Actor mula sa mga beteranong aktor na dekada nang umaarte sa pinilakang tabing.

Ang mga batambatang aktor na bumida sa kanilang indie performances ay sina:

Louise Abuel (Edward)

Gold Azeron (Metamorphosis)

Julio Sabenorio (Guerrero Dos, Tuloy Ang Laban)

Elijah Canlas (Kalel, 15)

a Jansen Magpusao (John Dever Trending)

Talunin kaya ng mga baguhang aktor ang mga multi-awardee sa acting gaya ng kanilang co-nominees na sina:

Aga Muhlach (Miracle In Cell No. 7)

Alden Richards (Hello, Love, Goodbye)

Carlo Aquino(Isa Pa With Feelings)

Raymond Bagatsing(Quezon’s Game)

Para sa Best Actress wala namang indie star ang nominado para makakalaban ng mga award-winning actresses gaya nina:

Bea Alonzo (Unbreakable)

Kathryn Bernardo (Hello, Love, Goodbye)

Angie Ferro (Lola Igna)

Sarah Geronimo (Unforgettable)

Janine Gutierrez (Babae At Baril)

Ruby Ruiz (Iska)

Sylvia Sanchez (Jesusa)

Judy Ann Santos (Mindanao)

Jodi Sta. Maria (Clarita)

(TSIKA NI LOLA by ADOR SALUTA / BISTADODAILYNEWS.NET)