Breaking News, Showbiz

Stepson nagkagusto sa kanyang madrasta, sa ‘MPK’

HINDI talaga binibigo ng ‘Magpakailanman’ ang kanilang mga manonood sa paghahandog ng  mga makabuluhan at kaabang-abang na kuwento tuwing Sabado. Kaya naman ngayong gabi, yayanigin tayo ng kuwentong ‘Mahal Ko Ang Asawa Ng Ama Ko.’  

Magkakaroon ng ipinagbabawal na relasyon ang dalawa. Itatago naman nila ito sa ama ni Bong at kinakasama ni Mikaela na si Ambet. Salat sa pagmamahal ng isang ina si Bong dahil noong mga bata pa lang sila, iniwan na sila ng kanilang ina.

Laking tuwa ni Bong at ng kanyang mga kapatid nang ipakilala sa kanila ni Ambet ang bago nitong kinakasamang si Mikaela. Magiging close naman si Bong kay Mikaela, pero sa ‘di inaasahang pagkakataon, mauuwi ito sa magandang pagtitinginan nilang dalawa. Itatago man nila ito kay Ambet, kalaunan ay masisiwalat din ang kanilang sikreto.

Ito ba ang magiging dahilan ng pagkakabuwag ng kanilang pamilya?

Bibigyang-buhay ng kapwa Kapuso stars na sina Katrina Halili at Bruce Roeland ang kuwento ng bawal na pag-iibigan sa isang episode ng real-life drama anthology #MPK o Magpakailanman.

Gaganap si Bruce bilang 15-taong gulang na si Bong, habang si Katrina naman ay ang stepmother niyang si Mikaela. Gagaganap naman ang beteranong aktor na si Alan Paule bilang si Ambet. Bukod sa kanila, bahagi din ng episode sina Dion Ignacio, Kelvin Miranda, Marc Justine Alvarez, Gigi Locsin, Ana Castro at Jun Palatao.

Huwag palampasin ang episode na pinamagatang “Mahal Ko ang Asawa ng Ama Ko” ngayong Sabado, January 30, 8:00 pm sa Magpakailanman (#MPK) sa GMA, sa direksyon ni Paul Sta. Ana.

            *****

Tampok sa “My Fantastic Pag-ibig” ang iba’t ibang kuwento ng pag-ibig na pagbibidahan ng mga inaabangang love teams ngayon. Bawat kuwento ay nahahati sa dalawang episode na talaga namang magpapaalala sa viewers kung bakit ‘fantastic’ ang pag-ibig.

Para sa unang installment na “Love Wars,” bibida ang tambalan nina StarStruck alumni Kim de Leon and Lexi Gonzales bilang sina Pido at Lovelyn. Naniniwala si Pido na maraming tao ang magiging broken-hearted dahil sa dating apps. Kaya naman magiging misyon niyang isabotahe ang tagumpay ng dating app na MatchMaker. Magpapanggap siyang intern at mag-a-apply sa kumpanyang humahawak sa app na ito.

Mapapanuod ang ‘Love Wars’ sa January 30 at February 6. Makakasama nina Kim at Lexis sa episode sina Rodjun Cruz, Divine Aucina, Maey Bautista, at Mike Liwag.

Marami pang aabangang kuwento sa bagong Saturday night viewing habit na ito na mula GMA Public Affairs—ang  award-winning team na nasa likod ng mga true-to-life anthologies na Wagas, Karelasyon, at Tadhana.

Kiligin tuwing Sabado sa “My Fantastic Pag-ibig, 7:30 p.m. sa GMA News TV.

Mapapanuod naman ng mga Kapuso abroad ang “My Fantastic Pag-ibig” via GMA Life TV simula February 6. Para sa iba pang impormasyon, bisitahin lang ang www.gmapinoytv.com.

(STARWORLD by ROMMEL GONZALES / BISTADODAILYNEWS.NET)