Breaking News, Showbiz

Singer at theater artist na si Tim Pavino tampok sa MarkyTalk 101

KAPAG nabanggit ang pangalang Tim Pavino, marahil mas kilala ninyo siya bilang dating The Voice Philippines season 2 finalist at Star Music singer. Kumusta na kaya siya ngayon at ano na ang pinagkakaabalahan niya?

Malalaman natin ang kasagutan sa nakatakdang guesting ni Tim sa ‘MarkyTalk 101: One-on-One Conversations’ hosted by Direk Mark Aranal. Mapapanood ito nang live ngayong Biyernes, March 5, 11pm sa Facebook page ng MarkyTalk at YouTube channel ng MarkyTalk Events.

Taong 2014 nang sumabak si Tim sa blind auditions ng ‘The Voice Philippines’ at inawit niya ang ‘You Are My Song ni Martin Nievera. Na-in love sa boses niya ang Broadway Diva na si Lea Salonga, na naging coach niya sa kanyang journey.

Hindi man nanalo si Tim sa ‘The Voice,’ pinapirma naman siya ng Star Music ng recording deal noong September 2015. May 2016 nang i-release ang kanyang self-titled album. Ang carrier single niyang ‘Good Vibes’ ay ginamit pa sa dating segment ng ‘It’s Showtime.’

Mula sa recording scene ay sumabak naman sa teatro at musical si Tim. Nakuha niya ang big break niya nang gampanan niya ang yumaong dating Pangulo ng Pilipinas at bayaning si Emilio Aguinaldo sa musical na Miong ng Repertory Philippines noong Pebrero hanggang Marso 2019. Ang mahusay na pagganap niya rito ay nagbigay ng parangal sa kanya bilang Best Actor (Musical) sa 2019 BroadwayWorld Philippines Awards.

Sa kasalukuyan magiging bahagi si Tim ng reimagination ng first local Christian musical na ‘First Name.’ Titled ‘First Name Anew,’ magaganap ang online musical sa February 27 at 28 and it will be streamed exclusively on KTX. ph. Tampok dito ang artists ng Stages at Trumpets sa pangunguna nina Morissette, Sam Concepcion at Christian Bautista. Kabilang nga si Tim pati sina Aicelle Santos, Jett Pangan, Sheila Valderama-Martinez, Lance Busa, Bullet Dumas, Nanette Inventor at Tippy Dos Santos.

Sa guesting ni Tim sa ‘MarkyTalk 101,’ magandang balikan ang mga naging karanasan niya sa ‘The Voice,’ sa recording scene at sa teatro. At siyempre kung ano ang pakiramdam na napabilang siya sa magagaling na singers at performers sa First Name Anew. Mapapanood si Tim sa ‘MarkyTalk 101’ ngayong Biyernes, March 5, 11pm sa Facebook page ng MarkyTalk at sa YouTube channel ng MarkyTalk Events.

Samantala, ang naunang guests sa ‘MarkyTalk 101’ bago si Tim na si Princess Punzalan ay naging surprise guest sa ‘MarkyTalk R&R: Ratings & Reviews’ nitong Martes, March 2. Kabilang kasi sa ni-review na pelikula ang ‘Yellow Rose,’ kung saan gumanap si Princess na nanay ng bidang si Eva Noblezada. Ang isa pang pelikulang ni-review ay ang ‘Overcomer.’ Kabilang sa reviewers sina Kath Nobleza, Hannah Placer, Eldrin Veloso at Jeff Escaros with the special participation nina Maricel Tablan, Bea Salumbides, Keats Ronquillo, at Pastor Reuel Tica.

Kaabang-abang din ang ‘MarkyTalk SPAM: Sketches, Poems & Monologues’ sa Martes, March 9, 11pm sa FB page ng MarkyTalk at YouTube channel na MarkyTalk Events. Tampok dito ang inspirational readings by theater artists na sina Jeff Escaros, Reuel Tica, Maricel Tablan, Keziah Placer, Nathan Torralba, at Rico Del Rosario.

(BONGGA by GLEN P. SIBONGA / BISTADODAILYNEWS. NET)