Breaking News, Showbiz

Si Nora ang superhero ni John Rendez

MAY bagong single ang mahusay na rap artist at  11th Star Awards for Music 2019 Best Folk/Country Recording of the Year para sa kanyang kantang ‘Start All Over Again’ na si John Rendez .

At ito ang  “Not Superman“ under Star Music na mula sa composition ni Jonathan Manalo, ito ang follow-up single sa kanyang hit single na “Think About It.“

Naniniwala nga si John na puwede kang maging superhero sa kahit kanino, kahit hindi ikaw si Superman.

Tsika nga ni John na kung meron nga daw siyang isang taong masasabi niyang superhero sa kanyang buhay ay walang iba kung hindi ang nag iisang superstar na si Nora Aunor.

Ang nag-iisang superstar daw ang taong naniwala sa kanyang kakayahan bilang artist, ang nag-iisang taong tumulong para matupad ang kanyang pangarap.

Masasabi nga raw nitong solid na solid ang friendship nila ni Ate Guy na hindi natinag ng iba’t ibang intriga na ipinupukol sa kanila, bagkus ay nagpatatag ng kanilang pagkakaibigan simula noon hangang ngayon.

Malaki nga raw ang dapat nitong ipagpasalamat sa nag-iisang superstar sa walang sawa nitong suporta sa kanyang singing career kaya naman daw ito ang maituturing niyang superhero.

Maaalalang bukod sa pagiging music artist, isa ring aktor si John na lumabas na sa mga pelikulang “Sindak” (1999), “Madaling Mamatay, Mahirap Mabuhay” (1996), at “Whistleblower” (2016), kung saan nakasama niya ang malapit na kaibigan at manager, ang nag-iisang superstar na si Nora Aunor.

Pakinggan ang “Not Superman” ni John simula ngayong Biyernes (January 29) sa iba’t ibang digital music streaming platforms. Abangan din ang official music video nito sa February 1 (Lunes) sa Star Music YouTube channel. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music saFacebook(www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).

(HAROT by JOHN FONTANILLA / BISTADODAILYNEWS.NET)