Breaking News, Business

Sektor ng kooperatiba sa kamara sinimulan ang pag-oorganisa

SINIMULAN ng House Committee on Cooperative Development ang pag-oorganisa sa kanilang hanay sa pamamagitan ng presentasyon ng Cooperative Development Authority (CDA).

Iniulat ni CDA Chairman Orlando Ravanera na sa kasalukuyan ay may 18,581 kooperatiba sa bansa na may 11.6-milyong miyembro.

Sinabi niya na ang mga kooperatiba ay labis na napakahalaga sa ekonomiya ng bansa dahil nakapagbigay ito ng 513,000 direktang oportunidad sa trabaho, 2.5-milyong hindi direktang oportunidad sa trabaho, P512-bilyong halaga ng pag-aari, at P22-bilyong halaga ng net surplus.

Idinagdag ni Ravanera na ang layunin at hangarin ng ahensya ay nakatuon sa pagbibigay ng kahalagahan sa mga mahihirap at mga mahihina, mga programa at inisyatibang adbokasya, proteksyon ng mga miyembro at publiko, at ang pagpapalakas ng CDA.

“Naniniwala kami na ang pagkokooperatiba ay dapat na magsimula sa pagbabago ng lipunan. . . sa panahong ito ng ating lipunan, ang mga kooperatiba ay dapat na magbigay ng kakayahan sa mga nasa marginalized sector: ang mga mahihirap at mga nagugutom, ang mga nangangailangan at mga naaapi, kabilang na ang ating mga katutubo, mga magsasaka, at yaong mga nasa kanayunan,” ani Ravanera.

Binanggit din niya na ang CDA ay naglabas ng 29 na Memorandum Circulars noong 2020, na karamihan dito ay nakatuon sa pagbibigay ng alalay at suporta sa mga kooperatiba at mga komunidad sa gitna ng pandemiya.

“Nagbahagi ng ayuda ang mga kooperatiba sa mga frontliners, LGUs, at mga pasilidad sa pangkalusugan. Sa kabuuan, ang kontribusyon ng ating sektor sa suporta sa tugon ng ating pamahalaan sa paglaban sa epekto ng COVID-19 ay umabot sa halagang P5,431,161,356. . . at ang halaga ay hindi nagtatapos dito dahil sa patuloy na pagsisikap ng ating mga kooperatiba na magtulong-tulong sa pangangalap ng ayuda upang maipamahagi sa lahat ng mga miyembro at hindi mga miyembro,” aniya.      (Vina de Guzman)