Breaking News, Showbiz

Sean de Guzman naghintay nang 4 years bago bumongga ang career

PATULOY sa paghataw ang career ng guwapitong aktor na si Sean de Guzman. Siya ay nasa pangangalaga ng 3:16 Events & Talent Management na pag-aari ng manager niyang si Ms. Len Carillo.

Aminado ang Clique V member na si Sean na hindi siya halos makapaniwala sa mga nangyayari ngayon sa kanyang showbiz career. Four years ang hinintay ng 20 year old na actor bago dumating ang kanyang biggest break sa showbiz.

Bukod sa kumita ang first starring movie ni Sean na ‘Anak ng Macho Dancer,’ pinuri ang ipinakitang galing niya rito. Kaya sulit na sulit ang ilang taong paghihintay ng actor/dancer dahil nagbubunga na ito ngayon.

Sa simula pa lang ng 2021, pumirma si Sean ng guaranteed 10 picture movie contract sa Viva Films. Plus, nagkaroon din ng endorsement ang aktor.

Ang next na pelikulang aabangan kay Sean ay ang ‘Ang Huling Baklang Birhen sa Balat ng Lupa’ na tatampukan din ni Teejay Marquez. Isang comedy naman ito, kaya masusubok ang versatility dito ni Sean sa pelikulang hatid ng Heaven’s Best Entertainment Productions.

May teleserye rin si Sean sa Net25 na pinamagatang ‘Love From The Past.’ Ito ay isang love-drama-fantasy series na pinamamahalaan ni Direk Joel Lamangan at tinatampukan din nina Lotlot de Leon, Lloyd Samartino, Nella Dizon, at Francis Magundayao and Claire Ruiz.

Ano ang reaksiyon niya na mula sa pasayaw-sayaw at pakanta-kanta noon ay nagbibida na siya ngayon sa pelikula at telebisyon?

Lahad ni Sean, “Nakakatuwa and nakaka-proud, dahil dati ay parang dito lang kami sa level na ito, perform-perform lang kam. But ngayon ay pinapasok na namin yung industriya ng pag-arte sa pelikula at TV.

“Kaya sobrang excited po ako sa magiging kalalabasan ng mga ginagawa namin ngayon at sa mga project po na nakahain sa amin,” masayang esplika niya.

Inusisa rin namin ni Sean sa role niya sa pinakabagong seryeng ito ng Eagle Broadcasting Corporation?

Wika niya, “Isa po akong katipunero sa serye na may ka-loveteam po ako roon, siya po ang anak po ni Allen Dizon na si Nella Dizon.”

Idinagdag pa ni Sean na ang kuwento raw nito ay sa present time na may nakakabalik sa panahon ng Kastila.

“Parang ganoon po yung story, ang pagkakaalam ko po, parang yun nga… ‘Love From the Past,’ parang galing sa past yung istorya na nagbabalik sa panahon ng Kastila,” esplika pa ng aktor.

(SILIP by NONIE NICASIO / BISTADODAILYNEWS.NET)