Breaking News, Showbiz

Sanya nakatanggap ng papuri at suporta sa bagong serye

NAKATANGGAP ng papuri at suporta ang Kapuso actress na si Sanya Lopez matapos niyang i-share sa Instagram ang teaser ng inaabangang rom-com primetime series na ‘First Yaya’ kung saan makakatambal niya si Gabby Concepcion.

Ani ng dating leading man niyang si Benjamin Alves, “Can’t wait to see your comedic hat on! Congrats Sans!”

            “Super excited makita ka Sanya as Yaya Melody sa rom-com,” komento ng kanyang fans club na Sanya Warriors.

Handa na ba kayong makilala si Sanya Lopez bilang ‘First Yaya’? Abangan yan, malapit na sa GMA Network!

                        *****

Abdul Raman masaya sa pagkakataong makatrabaho si Cherie Gil

            Para sa Kapuso actor na si Abdul Raman, isang karangalan ang mapasama sa cast ng upcoming cultural drama series na ‘Legal Wives.’

Bukod kasi sa pagpapakita nito ng kultura ng mga Muslim, ito rin ang pagkakataon ni Abdul na makatrabaho ang batikang aktres na si Cherie Gil na isa rin sa mga nagsibling judges ng ‘StarStruck Season 7’ kung saan siya nagsimula.

Kung noon daw ay may takot siya rito, nawala na rin iyon ngayong mas nakilala na niya ang award-winning actress.

Wika ni Abdul, “She’s like a second mother to me, parang ganoon na rin ang turing ko sa kanya. She’s a really, really nice person and I love her to bits. I would really love to work with her again in a future teleserye.”

Bibida sa serye sina Kapuso Drama King Dennis Trillo at mga aktres na sina Alice Dixson, Andrea Torres at Bianca Umali. Bahagi rin ng Legal Wives sina Al Tantay, Irma Adlawan, Shayne Sava, Ashley Ortega at marami pang iba.

Abangan ang ‘Legal Wives,’ malapit na sa GMA-7!

                        *****

Book 2 ng ‘Prima Donnas’ hiling ng viewers

Bukod pa sa positive feedback mula sa viewers at netizens, nakatanggap din ng commendation at pagbati mula mismo sa GMA Chairman and CEO na si Atty. Felipe L. Gozon ang bumubuo ng recently-concluded top-rating GMA Afternoon Prime series na ‘Prima Donnas’ dahil sa success nito.

Sa kabila ng hirap na dulot ng pandemya sa lock-in taping at overall production ng serye, pinatunayan ng lahat ng bumubuo ng ‘Prima Donnas’ ang tatak ng pagiging isang Kapuso na pursigidong maghatid ng best entertainment para sa Filipino viewers saan mang panig ng mundo.

Ipinalabas na noong nakaraang Biyernes (February 19) ang finale episode ng serye na talaga namang sinubaybayan at pinag-usapan ng mga manonood. Bukod sa masayang ending na sa wakas ay nakamit na ng mga Donnas na sina Mayi (Jillian Ward), Ella (Althea Ablan) at Lenlen (Sofia Pablo) kasama ang Claverias, hindi nakalampas sa viewers ang matinding pasabog sa ending scene kung saan muling dumilat ang mga mata ni Kendra (Aiko Melendez). Lalo tuloy lumakas ang sigaw ng viewers at netizens na magkaroon ng book 2 ang Prima Donnas.

Samantala, nitong Biyernes din ay nagkaroon ng special virtual meeting ang cast kung saan inanunsyo nga ng ‘Prima Donnas’ senior program manager na si Redgynn Alba at Direk Gina Alajar ang naturang commendation letter na kanilang natanggap mula kay Atty. Gozon.

(STARWORLD by ROMMEL GONZALES / BISTADODAILYNEWS.NET)