Breaking News, Showbiz

Royce Cabrera game sa kahit anong genre

SA tanong kung sino ang aktor na idolo niya, ang sagot ng bagong Kapuso hunk na si Royce Cabrera ay si Mon Confiado.

“Si Sir Mon Confiado kasi he’s one of the actors na talagang isinasabuhay ang pagganap sa roles na ibinibigay sa kanya.” ani Royce.

“Lagi ko po siyang pinapanood at nakikita ko po talaga yung paghahanda niya, lalo na physically, sa bawat karakter niya sa iba’t-ibang proyekto.”

Nakilala sa daring at seksing pelikulang ‘Fuccbois’ kung saan may nudity at love scenes siya, ngayon ay hinuhulma si Royce ng GMA para maging isang dramatic actor.

Ano ang gagawin niya para mag-shift mula sa kanyang sexy image to a wholesome image?

“Bilang artista, ayaw ko pong makulong sa isang imahe at mabigyan po ng limitasyon ang sarili ko.

“Kaya ako po, kasama ng aking management team, talagang we keep on exploring po different roles. Kung anuman pong ibigay at ipagkatiwala sa akin, I will make sure po na gagampanan ko po ito nang mabuti.”

Ngayong Sabado, alas-otso ng gabi sa GMA  ay mapapanood si Royce sa ‘Masahista For Hire’ episode ng ‘Magpakailanman.’

Sa naturang fresh episode ng ‘Magpakailanman’ [#MPK]ay makakasama niya sina Alma Concepcion, Neil Ryan Sese, Rob Sy at Kim de Leon, ito ay sa direksyon ni Mark dela Cruz.

Mapapanood rin si Royce sa ‘My Fantastic Pag-ibig’ at ‘Nagbabagang Luha’ na parehong mga Kapuso programs.

Bakit sa GMA niya napiling pumirma ng kontrata?

“Umpisa pa lang naramdaman ko na mas matututo at mahahasa pa po ako dito. Napatunayan ko po ‘yan simula umpisa hanggang sa ngayon,” sagot ni Royce.

Kahit saang genre raw siya ilagay ng GMA ay ayos lang kay Royce.

“Wala po talagang specific genre. Game po ako sa lahat. As long as kaya kong bigyan ng hustisya ang karakter, gagampanan ko po ‘yan.”

Hindi matatawaran ang husay ni Royce bilang aktor, kahit maituturing na baguhan ay may mga acting award at nomination na siya; tulad ng Best Actor (Urduja Heritage Film Awards), Best Actor nominee (Urian Awards) at bilang Best Actor nominee (Young Critics’ Circle).

(STARWORLD by ROMMEL GONZALES / BISTADODAILYNEWS.NET)