Breaking News, Showbiz

Richard Yap ipakikita ang husay sa komedya sa ‘Pepito Manaloto’

NGAYONG Sabado (Enero 30), saksihan ang naiibang side ng Kapuso actor na si Richard Yap na susubukan ang kanyang husay sa pagpapatawa sa all-new episode ng award-wining sitcom na ‘Pepito Manaloto.’

Nauna nang inihayag ng Kapuso aktor na gusto niyang makatrabaho ang multi-talented comedian na si Michael V. sa kanyang paglipat sa GMA Network noong Disyembre 2020.

Sa interview niya sa ‘24 Oras,’ ibinahagi ni Richard na magkakilala na sila ni Michael V. bago pa man ang kanyang guesting sa ‘Pepito Manaloto.’ Dagdag pa niya, masaya siyang naimbitahan sa Kapuso sitcom kahit pa na wala silang eksena ni Michael V.

Aniya, “Sa taping ng ‘Pepito Manaloto,’ hindi kami magkaeksena. Sayang na hindi kami nagkita but hopefully, I will be able to guest in his other shows and magsama na kami sa isang scene.”

Ikinuwento rin ni Richard na taliwas sa karaniwang serious roles niya, ay mapagbiro talaga siya sa likod ng camera, “What people don’t know about me ay medyo ‘kenkoy’ naman ako in real life, hindi ako ganoon kaseryoso. For me, it was really fun doing comedy. Sometimes it’s also hard to be doing drama all the time.”

Tampok sa episode si Richard bilang si Mr. Zacarias, isang hotel manager na tila hindi mapanatili ang kanyang mga kamay sa kanyang sarili. Si Deedee (Jessa Zaragoza), na may bagong gig sa naturang hotel, ay namomroblema rito kaya naman kinuha niya si Berta (Jen Rosendahl) bilang bodyguard. Makakatulong ba ang plano ni Deedee upang makaiwas kay Mr. Zacarias?

Humanda na sa isa na namang masayang kuwento sa all-new episode ng “Pepito Manaloto, Kuwento, Kuwento” ngayong Sabado (Enero 30), 7PM, sa GMA-7.

Puwede ring manood ang mga manonood sa ibang bansa sa pamamagitan ng international channel ng GMA na GMA Pinoy TV. Para sa program guide, bisitahin lang ang www.gmapinoytv.com

(STARWORLD by ROMMEL GONZALES / BISTADODAILYNEWS.NET)