Breaking News, Showbiz

Quinn Carrillo gustong magkontrabida ala-Cherrie Gil

KASAMA ang Belladonas member na si Quinn Carrillo sa pelikulang ‘Silab’ mula sa 3:16 Media Networks, ni Miss Len Carrillo, na launching movie ng kagrupo niya sa nasabing all-female group na si Cloe Barreto. Dalawa ang leading men ni Cloe rito, sina Marco Gomez at Jason Abalos. Sa direksyon ito ni Joel Lamangan at sa panulat ni Raquel Villavicencio.

“Ang role ko po sa ‘Silab’ ay si Marta, yung maharot na yaya ni Miss Lotlot de Leon,” sabi ni Quinn tungkol sa kanyang role sa ‘Silab,’ nang maka-chat namin.

Since isang sexy film ang ‘Silab,’ tinanong namin si Quinn kung may sexy scene siya rito.

“Wala po akong sexy scene rito. Very probinsyana po ang mga suot ko rito.” aniya.

Pero kaya niya bang magpa-sexy gaya nang ginawa ni Cloe sa ‘Silab’?

“Kaya naman po. Basta magagawa siya in good taste. Bilib na bilib nga po ako kay Direk Joel, kasi ang ganda nang pagkakakuha niya sa mga sexy  scenes, ‘di malaswa.”

Sa tanong namin kay Quinn kung ano ang dream role niya, ang sagot niya,”Gusto ko po talaga ay maging iconic na kontrabida, mala-Cherrie Gil po talaga.’

Sina Angel Locsin at Jericho Rosales ang paboritong aktres at aktor ni Quinn.

“Nakalakihan ko po kasi yung mga teleserye nila dati at talagang ang gagaling nila sa mga roles na ginawa nila.”

Sino naman ang showbiz crush niya? 

“Ang showbiz crush ko po, si Alden Richards,” natatawang sagot ng magandang dalaga.

Ngayong natapos na ang shooting nila ng ‘Silab,’ ano ang pinagkakaabalahan niya ngayon?

“Ang pinagkakaabalahan ko po, is school. During shoot po kasi, medyo natigil po ako saglit sa school. So medyo naghahabol po ako. Very thankful po ako na understanding mga professors ko.

“Sa Belladonnas po ngayon, ay medyo wala pang balita kasi pandemic. So parang ‘di ganon ka- economical yung work namin as a girl group, lalo na nagsara yung Zirkoh kung saan kami nagpi-perform.

“Nakakakalungkot pero kailangang tanggapin at intindihin talaga dahil sa situation ngayon. Pero feel ko naman in the near future, given a chance, mababalik namin yung group,” pagtatapos ni Quinn.

(HATAWAN by ROMMEL PLACENTE / BISTADODAILYNEWS.NET)