Breaking News, Nations

PROTEKSYON SA MEDIA WORKERS, LUSOT NA SA KAMARA

PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Magna Carta para sa mga media workers.

Sa botong 218 na pabor at walang pagtutol, lumusot ang House Bill 8140 o ang Media Workers Welfare Act na inakda ni ACT-CIS Rep. Nina Taduran.

Layon ng panukala na bigyang-proteksyon, seguridad at maayos na benepisyo ang media practitioners ng bansa.

Sa ilalim ng panukala, dapat na ibigay ang tamang sahod, security of tenure, hazard at overtime pay, insurance at iba pang benepisyo sa media workers.

Ganundin ang pagiging miyembro ng Social Security System, PAGIBIG at Philippine Health Insurance Corp. sa oras na matanggap sa trabaho.

Ipinakukonsidera na regular employee ang isang media worker matapos ang anim na buwan ng tuluy-tuloy na employment nito.

Ang mga miyembro naman ng media na aatasan na mag-cover sa dangerous at hazardous events o situations ay bibigyan ng karagdagang P500 arawang sahod bukod pa sa protective gears o equipment.

Pinabibigyan din ng karagdagang insurance ang media workers na P200,000 death benefits at P200,000 disability benefits, at P100,000 medical insurance benefits. (Eloise L.)