Breaking News, Nations

PARI BINUGBOG, BINARIL TODAS

PATAY ang isang pari matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Malaybalay City, Bukidnon nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Fr. Rene Regalado, 42-anyos.

Natagpuan ang duguang katawan ni Regalado malapit sa Carmelite Monastery sa Bgy. 9.

Ayon sa mga awtoridad, may tama ng baril sa ulo ang biktima at may indikasyon din na binugbog dahil sa pinsala sa kanyang kaliwang mata. Nakagapos din umano ang mga kamay nito.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakarinig ng putok ng baril ang isa pang pari bandang alas-7:00 ng gabi subalit, hindi niya alam kung saan nagmula.

Ayon naman sa ilang tauhan ng nasabing monasteryo, umalis ang biktima bandang alas-2:00 ng hapon para magpunta sa Diocesan Formation Center sa Bgy. 10.

Dati na umanong nakatatanggap ng banta sa kanyang buhay ang biktima.

Samantala, natagpuan ang isang kalibre .45 na baril at ilang bala sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente at ang pagtugis sa mga salarin. (Eloise L.)