Breaking News, Showbiz

Paolo Gumabao, todo-daring, matapang at mapangahas

AMINADO ang producer ng pelikulang ‘Lockdown’ na si Jojo Barron na matapang at mapangahas ang bida ritong hunk actor na si Paolo Gumabao.

Ang pelikula ng For the Love of Art Films ay ukol sa cyber-sex or videokol at mayroon ditong frontal nudity, kaya ngayon pa lang ay marami na ang naku-curious at nag-aabang sa pelikulang pinamahalaan ng premyadong direktor na si Joel Lamangan.

Bilang patunay, in just three weeks ay nakakuha ng higit 350k views ang trailer.

Palagay ba niya ay perfect kay Paolo ang role sa pelikulang ito?

Tugon ni Jojo, “Akma para kay Paolo Gumabao ang role ni Danny sa pelikulang ito, akma sa kanyang edad at itsura, lalo na sa kanyang acting skills. Dahil challenging ang role ng bida sa pelikulang ito.”

Satisfied ba siya sa nabuong cast lalo na kay Paolo?

Wika niya, “De-kalibre at award-winning ang bumubuo ng cast kaya kampante ako sa kanilang acting skills, bukod kay Paolo na baguhan sa pelikula, ngunit laking gulat ng lahat, una na si direk Joel, sa ipinamalas na tapang at makatotohanang pagganap ni Paolo sa pelikulang ito. Kaya binansagang “An actor is born” nina direk Joel at Dennis Evangelista si Paolo, kasama na rin ako sa nakamalas sa komento ng dalawa.”

Sino ang pinaka-daring sa pelikulang ito?

Aniya, “Si Paolo Gumabao ang pinakamatapang at mapangahas sa pelikulang ito. May frontal nudity si Paolo rito at ang apat sa mga supporting actor nito.”

Si Mr. Barron ay real estate ang linya, ngunit dahil sa pagmamahal sa sining ay gumagawa ng pelikula at sumabak din sa stage production. Kabilang sa nagawa niya ang ‘Kabesang Tales,’ ‘Isang Rap En Rol Musical’ at ‘Solo Para Adultos’ ng Red Lantern Productions. Sa pelikula naman, bago ang Lockdown ay ginawa niya ang Sikil ni direk Ronnie Bertubin na ang bida ay sina Anita Linda, Sylvia Sanchez, Ken Escudero, at Will Sandejas. Sumunod ang Chopsuey starring Piolo Pascual, Dimples Romana, Andrea del Rosario, and Krista Ranillo, with direk Cathy Camarillo.

Nagbigay din nang kaunting patikim sa kanilang pelikula ang producer nito.

Aniya, “Ang Lockdown ay napapanahon na istorya, makikita ang mga kaganapan at karanasan ng isang OFW na pinauwi sa Filipinas dahil sa pandemic.

“Naglalarawan ang pelikulang ito ng pinagdaanan at paghihirap ng isang OFW at ng kanyang pamilya sa panahon ng pandemya. Tinatalakay din sa pelikula kung paano ang naging desisyon niya sa buhay para matulungang makatawid ang pamilya sa panahong ito.

“Mapangahas at kontrobersiyal ang tema ng pelikulang ito na tumatalakay sa cyber-sex or videojakol na laganap sa kasalukuyang panahon.”

Nabanggit din niyang kailangan sa pelikula ang frontal nudity dito.

“May frontal nudity ito at ilang mapangahas at maselan na eksena, dalawa ang ating mga mata at hindi natin puwedeng takpan ang isa… Inilalarawan nito ang tunay na buhay lalo na ngayong panahon ng pandemya, kaya naniniwala ako na kailangan itong makita sa pelikula.”

Bukod kay Paolo, tampok sa ‘Lockdown’ sina Max Eigenmann, Allan Paule, Sean de Guzman, Ruby Ruiz, Jess Evardone, Jim Pebanco, Angeline Sanoy, at iba pa.

(SILIP by NONIE NICASIO / BISTADODAILYNEWS.NET)

 –