Breaking News, Showbiz

‘Paano Ang Pangako’ mas dumami ang nanonood sa bagong timeslot

NATUTUWA si Direk Perci Intalan na magaganda ang feedback na nakukuha nila sa mas pinaagang timeslot ng TV5 primetime teleseryeng ‘Paano Ang Pangako.’ Si Direk Perci kasama sina Eric Quizon at Ricky Davao ang mga direktor ng serye na mahigit isang linggo nang napapanood tuwing 7:15pm Lunes hanggang Biyernes mula sa dati nitong timeslot na 9pm.

Mas dumami raw ngayon ang nanonood ng ‘Paano Ang Pangako’ dahil nga mas maaga na itong umeere sa TV5. Tumaas din daw ang bilang ng mga kabataang nanonood ng serye. 

“Maraming nagsabi na mas pabor yung bagong timeslot kasi nakakanood daw sila kasama ng mga magulang at mga lolo’t lola nila. Medyo late na rin kasi yung dating slot namin. Mas okay din kasi mahaba na ang show ngayon, 45 mins na kasi,” ayon kay Direk Perci nang nakausap namin siya sa Messenger.

Mas tumodo rin daw ang suporta sa show ng mga kabataan lalo na ng young fans ng lead stars na sina Elijah Canlas, Miles Ocampo at Kyle Velino.

Natanong pa namin si Direk Perci kung ano ang masasabi niya sa magandang pagtanggap sa tambalan nina Elijah at Miles, gayundin sa love triangle nila with Kyle?

“Effective yung love triangle kasi ang gagaling umarte nung tatlo. Si Elijah maraming karga as Noel kasi ang dami na niyang pinagdaanan. Si Miles ang galing ng atake as Isabel na ginagamit pala ni Elvira (Bing Loyzaga). At si Kyle nakikita na ng tao na magaling talaga sa kontrabida roles,” sagot ni Direk Perci.

Siyempre bilib din ang viewers sa galing ng iba pang cast members na kinabibilangan nina Maricel Laxa, Ricky Davao, Bing Loyzaga, Ejay Falcon, Beauty Gonzales, Karel Marquez, Devon Seron, Ahron Villena, Cedrick Juan, at John Lapus.

Hiling pa ni Direk Perci na sana patuloy na subaybayan ng mga manonood ang ‘Paano Ang Pangako’ dahil marami pang mga pasabog at mga dapat abangang mga eksena. Handog ng The IdeaFirst Company at Cignal Entertainment, ang ‘Paano Ang Pangako’ ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes, 7:15pm sa TV5.

Samantala, masaya rin sina Direk Perci at Direk Jun Robles Lana dahil kabilang sa mga pelikulang napanood pagkatapos ng ‘Paano Ang Pangako’ ay ang mga pelikulang idinirehe at prinodyus nila sa ilalim ng kumpanya nilang The IdeaFirst Company. Kabilang sa mga naipalabas at nagkaroon ng Philippine TV premiere ay ‘Ang Babaeng Allergic sa WiFi’ starring Sue Ramirez, Jameson Blake at Markus Paterson; ‘Born Beautiful’ starring Martin Del Rosario; at ‘Dementia’ starring Superstar Nora Aunor at Jasmine Curtis Smith.

(BONGGA by GLEN P. SIBONGA / BISTADODAILYNEWS. NET)