Breaking News, Showbiz

Ngayon  ang Huling Bakbakan sa Tawag Ng Tanghalan sa ‘It’s Showtime’

NGAYONG Sabado, February 6, ang Huling Bakbakan o Resbakan ng siyam na contestants sa week-long  grand finals ng 4th season ‘Tawag ng Tanghalan’ sa ‘It’s Showtime.’ Ngayong araw din malalaman  kung sino ang matitira at tatanghaling “TNT”  4th grand winner na mag-uuwi ng P1-M in cash, house-and-lot worth 2-M from Lessandra, trophy na gawa ni Toym Imayo at recording contracts mula sa ABS-CBN.

Ang siyam na contestants ay sina Makki Lucino, Nikole Kyle Bernido, Rica Mae Maer, Mara Tumale, Emmar Cabilogan, Ayegee Paredes, JM Yosures, Donna Gift Ricafrente at Raychell Laylo.

Dahil walang puwedeng makialam o mag-impluwesiya sa magiging winner kahit pa naging close ka sa ilang contestants, ipinagbabawal yun, pahayag pa ni Vice.

Subali’t  puna ni Vice, sa mga singing contests, nagmamarka sa utak ng viewers ang mga contestants na may kuwentong nakakaawa o may malungkot na pinagdaanan o pinagdaraanan.

“Ako as viewer, mas naiintindihan mo kung bakit ganun niya kinapa ang piyesa. Bakit damang-dama mo ang mga lyrics ng kanta niya. Malalaman mo kung saan siya nanggagaling at mas mauunawaan mo.

“Bawat kanta siyempre, may iba’t ibang interpretasyon, depende sa pagkatao noong kumakanta. Kapag nalaman mo ang istorya ng buhay niya o pamilya niya, naiintindihan namin.

“Lalo na ako, kapag binabasa ko ang profile ng bawat contestants, alam ko kung bakit iyon ang kinanta niya. Parang naiimbestigahan ko na kung bakit iyon ang kinanta niya. Bakit ganun niya kinanta iyong chorus, bakit ganun ang mata niya noong kinanta niya iyong line, mas nauunawaan ko sila. Iyong istorya niya iyong kumokonekta sa audience, e. Kasi, ilang taon na ang ‘Tawag ng Tanghalan’ at ilang beses na ba natin narinig iyong mga kantang iyon?

“Ilang beses na tayong nakarinig ng tumitili, bumibirit, rocker, balladeer, pero iyong iba’t iba nilang istorya na sine-share nila, doon sila kumukonek sa mga tao, sa mga audience at sa akin personally.” ayon pa kay Vice.

Naniniwala si Vice na maaring maging inspirasyon sa iba ang mga kuwento ng “TNT” contestants.

Aniya, “Kaya gustung-gusto kong kinakalkal iyong mga buhay nila. Ang daming inspirasyon sa mga makukulay nilang istorya at doon nakaka-relate lahat ng audience, bukod doon sa awitin.

“Kaya palagi kong sinasabi sa kanila na allow us to know your story and allow yourself to share your story kasi your scars are your connection to other people.

“Kasi may iba, may wall, ayaw mag-share, e, mahalaga iyon. Lalo na sa grand finals, may boto, iba iyong tumusok sa iyo.

“At saka, minsan hindi na ito pagalingan lang ng boses, iba iyong may koneksyon ka sa audience.”

Hindi rin itinanggi ni Vice na ang siyam na grand finalists ay special sa kanya at ngayon lang daw siya na-attach ng ganito sa “TNT” contestants.

Esplika ng It’s Showtime host, “Ito ngang batch nila, noong nagmi-meeting kami ng staff, sabi ko sa kanila, ‘Ngayon ko lang na-experience ito na na-attach ako sa mga contenders.’

“Siguro kasi, walang audience. Kami-kami lang ang magkasama. Araw-araw ko silang kausap. Iyong alam ko na ang istorya ng buhay nila, naapektuhan talaga ako. Ngayon lang ako umiiyak kapag may natatanggal. Dati, naiimbyerna nga ako kapag may umiiyak. ‘Arte-arte naman nito,’ may ganun ako.

“Pero ngayon, ako ang umiiyak kasi nadadama ko ang struggle at iyong passion ng lahat ng contenders na, ‘I want this so much. And I need this so much.’ Kasi, kailangang-kailangan nila dahil iyong mga pamilya nila, naghihirap.

“So everyone is special, and and I love everyone so dearly.”

At kahit tapos na ang journey ng mga contestants sa “Tawag Ng Tanghalan, itutuloy pa rin ang pagbibigay ng suporta ni Vice sa mga ito gaya ng suportang ipinagkaloob nito sa word-class na TNT Boys..

“Malaking kasiyahan sa akin iyong feeling ko, malaking part ako ng TNT Boys dati. Kasi, binuo namin iyon sa GGV, e.

“Sa GGV iyon nagsimula, pinagsama-sama namin ‘tapos noong umalagwa sila, ang layo ng narating nila, nakapunta silang abroad.

“And actually, iyong pinagawa ko sa kanilang challenge sa GGV na nag-viral, iyon ang naging susi para makita sila abroad at magkaroon sila ng guesting sa mga international shows. Kaya masaya ko roon na naging bahagi ako.” mahaba-habang kuwento ni Vice.

                        *****

SA bawa’t presscon na kanyang puntahan, laging napapansin ang beauty ng TV Patroller na si Ganiel Krishnan. Ina-acknowledge nga siya ng mga presscon host na ‘beauty queen’. ‘Yun pala’y sumasali na si Ganiel sa mga beauty pageants before gaya ng MIss Asia Pacifice, 2016.

Bago pa sa  pagiging head-turner, isang active at masipag na media personality  sa ABS-CBN TV Patrol ang Fil-Indian beauty na nagsimula bilang UAAP court side reporter para sa Far Eastern University kung saan siya nagtapos ng Mass Communication.

Sa  screening ng Miss World Philippines nitong Huwebes, (February 4) ginulat ni Ganiel ang ginagalawan niyang mundo bilang tagahatid ng entertainment news noong mapabilang siya sa mga kandidatang magbabakasakali na masungkiti ang korona sa ilalim ng Miss World Philippines Organization.

Hindi na pala neophyte si Ganiel sa mundo ng pageantry, dahil minsan nang naging pambato ng ‘Pinas  ng 26-year-old beauty noong 2016 bilang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Asia Pacific International kung saan nasungkit niya ang 2nd Runner-Up.

Sa unang araw pa lang ng paghahanap ng mga kandidata nitong Miyerkules, (February 3) nagningning na ang listahan ng aspiring Filipina beauty na nag-nanais ibandera ang Pilipinas sa iba’t ibang pageant arena sa ilalim ng Miss World Philippines Organization, kabilang dito ang mga titulo mula sa Miss Tourism Philippines, Miss Eco Teen Philippines, Miss Multinational Philippines, Reina Hispanoamerica Filipinas, Miss Eco Philippines, Miss Supranational Philippines at ang prestigious title ng Miss World Philippines.

Isang active media personality rin ngayon sa ABS-CBN TV Patrol ang Fil-Indian beauty na nagsimula bilang UAAP court side reporter para sa Far Eastern University kung saan siya nagtapos ng Masa Communication.

(TSIKA NI LOLA by ADOR SALUTA / BISTADODAILYNEWS.NET)