Breaking News, Showbiz

Mikee, masungit ang first impression kay Kelvin

BLOOMING si Mikee Quintos kahit loveless siya. Marami ang nakakapansin na iba ang aura niya ngayon.

“Babae na po ako,” ang tumatawang bulalas ni Mikee.

“Iyong mga kaibigan ko, inaasar ako, kahit mga high-school friends. Na-e-enjoy ko naman po at ang saya rin naman palang mag-ayos.”

Sina Mikee at Kelvin Miranda ang pinakabagong love team ng GMA News TV sa ‘The Lost Recipe’ na magsisimula ngayong araw ng Lunes, January 19 Unang beses ito ni Mikee na may ka-loveteam sa isang romcom series; unang beses rin nilang pagsasama ni Kelvin sa isang project.

Sa ‘The Lost Recipe,’ na nasa direksiyon ni Monti Parungao, si Mikee ay si Apples.

“If I’m really going to be honest, noong pinasok ko ang showbiz, akala ko ang magiging path ng career ko, iyong mga shows na parang ganito.

“Actually, ito ang inexpect ko sa first few meetings ko with the management, akala ko dito ako papunta. Na-e-excite ako roon kasi, mas malapit iyon sa totoong buhay na personality ko.

“Pero, lahat nga ng naging projects ko, nandoon siya sa serious side. Natuto ako… feeling ko, baka plinano na rin ni God na pagdaanan ko muna iyon para mas ready akong mag-deliver for projects like this one.

“It’s exciting na iba siya, but wala akong preferred na mas gusto ko ito or mas gusto ko iyon. I think, every project, lahat iyon nandiyan para sa iyo for a reason.”

Kumusta katrabaho si Kelvin?

“Before po na mag-start ang taping, I think iyong unang-unang mabe-base ko na impression, iyong nagsama kami na whole day na with workshop, before kami sumalang sa lock-in taping.

“Ang una kong impression kay Kelvin, akala ko masungit siya. Akala ko, mataas iyong walls niya. Automatically, itataas ko rin iyong walls ko pag gano’n, di ba? Pag tagal-tagal, habang nakikilala ko siya, parang na-misunderstand ko lang siya.”

Magkaiba lang daw siguro ang paraan nila ni Kelvin ng pakikipag-communicate.

“In real life, makulit akong tao, madaldal ako sa lahat. Siguro, hindi lang ganun si Kelvin. Pero minsan, may mga pitik siyang ganun, may mga mood siyang ganun.

“So, noong nakita ko for the first time iyong side niya na ganun, ah okay, may ganun din pala siya. So, okay naman, malayo ang first impression ko sa kanya at iyong after ng lock-in kung sino ang pagkakakilala ko sa kanya ngayon.”

Kasama rin sa ‘The Lost Recipe’ sina Thea Tolentino, Paul Salas, Lucho Ayala, Maureen Larrazabal, Almira Muhlach, Sue Prado, Topper Fabregas, Ariella Arida,  Phytos Ramirez, Prince Clemente, Anton Amoncio, Faye Lorenzo, at Crystal Paras. May special roles naman dito sina Manilyn Reynes, Gabby Eigenmann, at Kim Rodriguez.

(STARWORLD by ROMMEL GONZALES / BISTADODAILYNEWS.NET)