Breaking News, Showbiz

Maxine hirap sa maldita role, malayo raw sa totoong ugali niya

AMINADO ang beauty queen-turned-actress na si Maxine Medina na masaya ang kanyang lovelife.

Pero nang tanungin kung sino ang lalaking nagbibigay-kulay sa buhay ni Maxine ngayon, tumanggi ang dalaga na pangalanan ito.

Pribadong tao raw kasi ang karelasyon niya kaya ayaw na niyang banggitin ang pangalan nito.

Ang importante, suportado ng boyfriend ni Maxine ang showbiz career niya.

Natatawa nga raw ito dahil bilang kontrabida ay mataray si Maxine bilang si Lorraine sa ‘First Yaya’ na unang project ni Maxine bilang Kapuso.

“Natatawa siya sa akin kasi hindi talaga ako ganoon,” pahayag ni Maxine.

Naninibago raw ang boyfriend niya dahil sa tunay na buhay ay sweet at soft-spoken si Maxine pero sa ‘First Yaya’ ay todo ang pagmamalditang gagawin niya kay Melody Reyes, ang female lead character sa show na gagampanan ni Sanya Lopez.

Malayung-malayo sa ugali ni Maxine ang papel na ginagampanan niya kaya nahihirapan daw siyang gumanap na salbahe.

“Yung contravida role, for me mahirap talaga, pero nandiyan yung directors (LA Madridejos at Rechie del Carmen), yung co-actors ko to guide me all the time.

“Actually, every scene ko, kailangan mataas ako, malditang-maldita talaga na sobrang galit.

“Talagang kailangan pa rin akong turuan ng direktor kung paano gagawin, kung paano aatakihin, which is sobrang gustung-gusto ko.

“Na puwede ko palang gawin ito, parang feeling ko all-out ko na yung buong pagkatao ko,” pahayag pa ng Binibining Pilipinas-Universe 2016 title-holder

Kaya naman labis-labis ang pasasalamat niya sa kanyang mga co-stars na sina Gabby Concepcion (bilang Glenn Acosta); at kasama rin nila sina Pancho Magno (Conrad Enriquez), Pilar Pilapil (Blesilda Acosta), Gardo Versoza (Congressman Luis Prado), Glenda Garcia (Marni Tupaz), at Sandy Andolong (Edna Reyes).

Ipakikilala naman sa ‘First Yaya’ ang tandem nina Cassy Legaspi (Niña Acosta) at  Joaquin “JD” Domagoso (Jonas).

Nasa cast din sina Boboy Garovillo (Florencio Reyes), Cai Cortez (Norma), Kakai Bautista (Pepita), Thia Tomalla (Val), Anjo Damiles (Jasper), Clarence Delgado (Nathan Acosta), Thou Reyes (Yessey Reyes) at sina Kiel Rodriguez, Analyn Barro, Jerick Dolormente, Princess Aguilar, Muriel Lomadilla, Nicki Morena, Allen Dizon, Frances Makil-Ignacio at Mikoy Morales.

Magsisimulang umere sa GMA ang ‘First Yaya’ sa Lunes, March 15.

(STARWORLD by ROMMEL GONZALES / BISTADODAILYNEWS.NET)