Breaking News, Showbiz

Marion Aunor na-trauma, biktima ng sexual harassment

ANG kasiyahan ni Marion Aunor nang maging bahagi siya ng pelikulang ‘Revirginized’ na pinagbibidahan ng Megastar na si Sharon Cuneta, ay nauwi sa kalungkutan at trauma nang mabiktima siya ng manyakis.

Hindi makapaniwala ang mother ni Marion na si Ms. Maribel Aunor na mabibiktima ng pambabastos ang anak. Nangyari ang insidente sa lock-in shooting ng nasabing pelikula sa Subic.

Nang umuwi na raw si Marion mula sa shooting, iyak na siya nang iyak at dito nalaman ni Ms. Lala (nickname ni Maribel) ang pambabastos sa kanyang panganay ng mismong driver ng Viva.

Lahad ni Ms. Maribel, “Hindi ko na-imagine na mangyayari kay Marion iyon, kasi alam ko alaga naman at ‘di pababayaan ng Viva ang mga artists nila.”

Ayon sa mother ni Marion, kailangan daw kasi sa eksena ng pelikula na mag-drive ng van ang anak, pero manual ito kaya tinuruan siya ng nasabing driver dahil automatic transmission ang car ni Marion.

Okay naman daw noong una, ngunit nang kukunan na mismo ang eksena ay nag-take advante na ito kay Marion.

Wika ni Ms. Lala, “Noong mag-shoot na sila ulit, ewan daw niya at bakit kailangan pa siya turuan ulit ng ganoon, kasi alam naman na niya. May nagsabi pa raw na kandungin na lang si Marion, eh samantalang na-drive na nga niya at no need na turuan pa siya.

“Bastos talaga!” giit pa niya.

Pagpapatuloy ni Ms. Lala, “Magsu-shoot na sila nila Mega, nandoon din kasi sa van kaya ‘di na lang kumibo si Marion sa pambabastos ng driver, kasi, mag-uumpisa na ang shoot. Pero sa loob niya, sobrang naiiyak na siya.

“Tumabi pa yata sa loob ng driver’s seat noong shoot na at siya pa umaapak sa accelerator daw, eh marunong naman si Marion mag-drive. Kaya ‘di niya maintindihan kung bakit kailangang nandoon pa yung driver sa loob ng van at nakatago.”

Dagdag pa ni Ms. Lala, “Kaya nga masakit sa akin ang nangyari kay Marion, kasi wala ako roon dahil bawal ang may companion dahil pandemic.”

Si Marion ay sumasailalim ngayon sa therapy dahil sa inabot na trauma. “Nagka-trauma siya talaga, nakakadalawang session na siya sa therapy niya. Nakakatulong sa kanya ang therapy session nila. Depende raw sa progress ni Marion, kung ilang session pa ang itatagal.

“Ayaw nang mapag-usapan ni Marion yung incident, kaya sa therapist na lang siya nagsasabi lahat and every after session niya, lalabas siya sa room, namamaga ang mata sa kakaiyak. Kaya roon ako naaawa sa anak ko,” lahad pa niya.

Ayon pa sa mother ni Marion, kapag nakakakita raw ng mga driver na malaki ang tiyan na parang siga-siga, natatakot na si Marion at umiiwas na agad.

Plano ba nilang kasuhan ng sexual harassment ang driver?

Tugon ni Ms. Lala, “Hindi na, lalo lang ‘di makakalimutan ni Marion iyan. Basta sana maalis na lang sa trabaho iyan at huwag na makita ni Marion iyan ulit at baka lalong ‘di maalis ang trauma niya.”

Nag-usap na ba sila ni Boss Vic del Rosario?

Esplika niya, “Kinausap naman agad ni Boss Vic siya (Marion) sa phone, kasi may nag-report kay Boss Vic agad, yung handler yata ni Marion at paiimbestigahan daw ang driver. ‘Di lang kami sure kung ano na nangyari, wala pa kaming concrete na news.

“Mabait si Boss Vic kay Marion. Marami nga siyang project sa kanya this year. Siguro naman naaksiyonan na nila yung driver na iyan.

“Manghihingi kami ng appointment kay Boss Vic. Sa ngayon kasi dahil sa pandemic, ang hirap pumunta sa office nila, kasi iwas sa covid din kami sa paglabas.”

Pahabol pa niya, “Alam naman namin may gagawin kahit papaano ang Viva na aksiyon sa driver na yun. Ang sabi pinagpahinga yata muna, pero sana matuluyan na siya at huwag makabalik dahil sa ginagawa niyang ganoon.

“Kasi, baka ‘di lang kay Marion mangyari iyan. Kawawa naman yung ibang artists, lalo na mga nagta-try pa lang sa showbiz, na mapagsasamantalahan sila.

“Kay Marion nga ‘di na siya nangimi na gawin yun, sa iba pa kaya?” Sambit pa ng mommy ni Marion.

(SILIP by NONIE NICASIO / BISTADODAILYNEWS.NET)