Breaking News, Showbiz

Marco Gomez hindi lang kakisigan ang ipakikita sa ‘Silab’

BUSY na sa pagpo-promote sina Marco Gomez at Cloe Barreto para sa kanilang pinagbibidahang pelikulang ‘Silab’ na coming soon na.

Katulad na lang nang mag-guest sila kamakailan sa ‘It’s Showtime Online U’ at sa ‘Talk To Me’ show ni Benny Andaya sa EuroTV.

Excited na si Marco na maipalabas na ang Silab. Ito nga naman kasi ang launching movie nila ni Cloe.

Ibinuhos daw lahat ni Marco ang kaya niyang ilabas sa pelikulang ito. Talagang pinaghandaan niya raw ang mga eksena nila.

Tumodo workout din siya para sa mga sexy at daring scenes nila sa movie. Siyempre rin daw madalas na nasa beach ang eksena kaya kailangang ilabas ang kanyang kakisigan. Pasisilabin niya raw ang pantasya ng mga kababaihan gayundin ng sang-kabadingan.

Pero ayon kay Marco, hindi lang daw ang kakisigan niya ang ipapakita niya sa ‘Silab.’ Mapapanood din daw ng mga tao na may talento rin siya sa pag-arte.

Thankful nga si Marco sa kanilang direktor na si Joel Lamangan dahil talagang tinulungan at tinutukan daw nito ang acting nila ni Cloe.

Siyempre nagpapasalamat din si Marco sa magagaling na mga kasama nila sa cast na sina Jason Abalos, Lotlot de Leon, Chanda Romero, Quinn Carrillo at Karl Aquino.

Talagang kaabang-abang na ang ‘Silab’ produced by 3:16 Media Networks.

(BONGGA by GLEN P. SIBONGA / BISTADODAILYNEWS. NET)