Breaking News, Lifestyle

Mamamayan, hindi kongreso ang magpapasya sa pag-amyenda 

Sa kamay ng mga mamamayan nakasalalay ang pagpapasya sa pag-aamyenda sa Saligang Batas, ayon sa Chairman ng House Committee on Constitutional Amendments.

Ayon kay Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., dapat lamang maunawaan ng publiko na “sa pinal na pag-aanalisa, ang taumbayan naman talaga ang may pagmamay-ari ng Konstitusyon, dahil kahit na anupaman ang aprubahan sa Komite at sa plenaryo, ay mananatiling panukala lamang ang mga ito hangga’t hindi ito niraratipikahan ng sambayanang Pilipino, sa pamamagitan ng plebisitong ipatatawag para sa naturang layunin.

“Kung hindi naman naratipika, wala ring mangyayari doon sa mga panukala dahil mananatili lamang itong panukala,” dagdag pa niya.

Binigyang diin ng mambabatas na ang panukalang amyenda sa Konstitusyon ay limitado lamang sa mga probisyon sa ekonomiya, na nakasaad sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 2.

“Ito’y tutok lamang talaga sa pang ekonomiya, lalo na ang mga mahihigpit na probisyon, at ito ay magdudulot at mapoproteksyunan ang interes ng ating bansa at ang kapakanan ng ating mga manggagawa, lalung –lalo na ‘yung mga kakulangan sa oportunidad sa trabaho,” pagtitiyak ni Garbin.

Nilinaw ng mambabatas mula sa Bicol na kapag naratipikahan na ang amyenda sa Konstitusyon ay hind ito magreresulta sa otomatikong pagpapagaan ng mga paghihigpit sa ekonomiya, kungdi igagagawad sa susunod ng Kongreso ang kalayaan na magsabatas ng mga lehislasyon na tutugon sa kalagayan ng ekonomiya at mga realidad.

“Ang susunod na Kongreso ay magkakaroon ng paraan at kakayahang umangkop na magsabatas ng mga panukala, na naaayon sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya,” ani Garbin. “At least hindi na tayo nakagapos . . . makalipas ang 33 taon ay nakagapos pa rin tayo sa napakahigpit na restriksyon na ito. Tayo na lang ang mayroon nito kumpara sa ibang mga bansa na bukas na.” (Vina de Guzman)