Breaking News, Lifestyle

 “Magna carta of out of school youth”  bills pag-iisahin

 Inaprubahan ng House Committee on Youth and Sports ang pagsasama-sama ng mga panukala na bubuo sa Magna Carta of Out-of-School-Youths (OSY).

Ayon kay Manila City Rep. John Marvin Nieto, chairman ng komite, isang katulad na panukala ang inaprubahan na sa huling pagbasa at naipadala na sa senado noong nakaraang Kongreso.

Ang mga pag-iisahing panukala ay ang House Bill 66 na iniakda ni Tarlac Rep. Victor Yap; HB 198 ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing; HB 2066 ni Deputy Speaker Weslie Gatchalian; HB 3993 ni Pangasinan Rep. Tyronne Agabas; HB 4871 ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez; HB 5198 ni AN WARAY Party-list Rep. Florencio Noel; at HB 7586 ni Quezon City Rep. Alfred Vargas.

Iminungkahi ni Rodriguez ang pagtatatag ng Commission for OSYs, imbes na advisory council para sa OSYs.

Samantala, sinabi ni Suansing na higit sa lahat ay pantay na karapatan at oportunidad ang dapat na igawad sa mga OSYs sa pamamagitan ng edukasyon, oportunidad sa trabaho at serbisyong pangkalusugan.

Ayon kay Gatchalian, ang bilang nga mga OSYs sa bansa ay patuloy na mataas, batay sa ulat noong 2017 ng Philippine Statistics Authority, ay aabot sa 3.5 milyong Pilipino na nag-eedad mula anim hanggang 24 na taong gulang ay mga OSYs. (Vina de Guzman)