Breaking News, Lifestyle

LAWAY SA COVID-19 TEST, ARANGKADA NA

APRUB na sa Department of Health (DOH) ang paggamit ng saliva o laway bilang pamalit na specimen para sa COVID-19 tests sa mga laboratoryo ng Philippine Red Cross.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, naglahad sa kanilang test results ang PRC sa laboratory experts panel kaya napagkasunduan na payagan ang paggamit nito.

“So immediately, ibinigay po natin ang rekumendasyon na ‘to sa Secretary of Health. At pinarating na sa PRC na puwede nang gamitin ang saliva at alternative specimen,” ani Vergeire.

Hinihintay pa aniya nila ang resulta ng validation test ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) bago payagan din ang kaparehong paraan sa lahat ng mga laboratory sa bansa.

Matatandaang una nang sinabi ni PRC Chairman Senator Richard Gordon na mananatiling Reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) ang kanilang gagamitin kahit laway na ang specimen.

Aniya, mas mabilis ang paglabas ng resulta sa saliva test dahil makukuha agad ito makalipas ang tatlo hanggang apat na oras.

Mas mura rin umano ang saliva test dahil nagkakahalaga lamang ito ng P2,000. (Eloise L.)