Breaking News, Showbiz

Kiss nina Teejay at Jerome trending; Marco nagpaiyak ng reporter sa ganda ng boses

TRENDING at usap-usapan ang kissing scene nina Teejay Marquez at Jerome Ponce sa pagbubukas ng Season 2 ng ‘Ben X Jim’ na may titulong ‘B X J Forever’ season 2 na ipinalabas kamakailan.

Ito raw ang continuation ng halikan nina Teejay at Jerome sa pasabog na ending ng season 1 ng ‘Ben X Jim’ kung saan marami ang nadismaya dahil sa pinekeng kiss ng dalawa na halatang-halata.

Kaya naman natuwa ang libu-libong fans ng dalawa dahil unang episode pa lang ay pasabog na dahil nga sa halikan nina Teejay and Jerome na napanood sa UPSTREAM.ph.

Marami tuloy ang nagtatanong at nagkukuwestiyon ngayon sa gender nina Teejay at Jerome dahil sa nasabing eksena na ikinagulat ng mga supporters ng mga ito.

Kaya naman nang makarating ito kay Teejay natawa na lang ang guwapong actor. “Nakakatuwa kasi na-attach sila sa character namin ni Jerome at inisip nila na ganun na rin kami in real life, ibig sabihin effective kami sa mga role na ginampanan naming.” aniya.

“Ako naman kasi dati nang issue yan, di ko na lang pinapansin ang gender issue na kesyo bading ako lalo na nang ginawa ko tong ‘Ben x Jim.’  Pero kilala ko naman ang sarili ko  at ng mga taong kilala ako at yun ang mahalaga sa akin kaysa sa mga sinasabi ng ibang tao.

“Nirerespeto ko kung ano yung gusto nila sabihin kasi entitled naman ang bawat isa na sabihin kung ano ang kanilang saloobin. Basta kung ano man ang napapanood nila sa ‘B X J Forever’ role lang yun na ginagampapan namin ni Jerome at  binibigay namin yung best namin para mas mapaganda pa yung BL Series namin.“

Bukod nga sa ‘B X J Forever’ season 2 ay kasama din si Teejay sa pelikulang ‘Girl Online’ ng Regal Films at ‘Largavista’ sa direksiyon ni Jose Javier Reyes kung saan makakasama nito sina  Adrienne Vergara, Kat Galang na kasama niya rin sa ‘B X J forever,’ Fino  Herrera atbp. At may isa pa itong malaking pelikulang gagawin ngayong taon na ayaw muna nitong idetalye hangang hindi pa daw gumigiling ang camera ng nasabing pelikula na tatampukan ng ilan sa mahuhusay na artista sa showbiz industry.

*****

              Marco Gomez nagpaiyak ng press people

Very talented ang lead actor ng pelikulang ‘Silab’ na si Marco Gomez na alaga ng 3:16 Management ni Ms. Len Carillo  na di lang pala magaling sumayaw kung hindi magaling ding kumanta at umarte.

First time naming narinig itong kumanta nang solo dahil mas sanay kami na napapanood itong kumakanta at sumasayaw kasama ng grupo niyang Clique V.

Hindi nga namin naiwasang mag-goosebumbs nang kantahin nito ang “True Colors“ na pinasikat ni Cindy Lauper na ginawan niya ng sarili niyang version. Habang di naman naiwasang maluha ng isa sa kasamahan sa panulat na nadala sa punumpuno ng pusong interpretasyon ni Marco sa nasabing awitin.

Bukod nga sa mala-Richard Gomez nitong aura na Tall, Dark and Handsome ay puwedeng-puwede din itong maging next Gary Valenciano dahil sa husay nitong kumanta at sumayaw katulad ni Mr Pure Energy.

Puwede na nga itong mag-record ng single or album at kantahin niya ang kanyang sariling komposisyon.

Kaya naman di malabong makamit nito ang kasikatan sa hinaharap dahil taglay nito ang halos lahat ng talentong kinakailangan ng isang artista.

At sa pelikulang ‘Silab’ ay sobrang galing  daw ni Marco sa role na kanyang ginagampan, kung saan katambal niya ang isa pang mahusay na baguhang aktres na si Cloe Barreto, sa direksiyon ni Joel Lamangan under 3:16 Media Network Production.

(HAROT by JOHN FONTANILLA / BISTADODAILYNEWS.NET)