Breaking News, Showbiz

Julie Anne San Jose nakaka-relate sa character niya sa ‘Heartful Café’

MAY pagkakatulad daw si Asia’s Pop Diva Julie Anne San Jose sa kanyang karakter sa upcoming Kapuso romantic-comedy series na ‘Heartful Café.’

Tampok sa serye ang fresh team up nina Julie Anne at ng Kapuso heartthrob na si David Licauco.

Iikot ang kuwento ng ‘Heartful Café’ kay Heart Fulgencio (Julie Anne), isang hopeless romantic at online romance novelist na may-ari ng coffee shop na ‘The Heartful Café.’ Dadating sa kanyang buhay si Ace Nobleza (David), ang businessman na tutulong kay Heart upang maisalba ang naluluging coffee shop.

Kuwento ni Julie Anne, marami raw silang pagkakatulad ng kanyang karakter, “Si Heart at si Julie, parehong masayahing tao. Gusto nila na may napapasayang tao. Hard-working at serious sa craft. ‘Heartful Café’ is a romcom so nakakatuwa ‘yung character ko dito. Easy-going lang siya. Naa-apply ko ‘yung kakulitan ko dito na not everybody knows po.”

Kakaiba rin daw ang pag-arte niya bilang si Heart sa pagkanta o hosting, “Acting as Heart is different from singing or hosting kasi on stage dapat eksakto sa kailangan sa iyo. Sa Heartful Café, mas kenkoy at mas natural, mas okay.”

Samantala, makakasama rin nina Julie Anne at David sa ‘Heartful Café’ sina EA Guzman, Zonia Mejia, Jamir Zabarte, Ayra Mariano, at Victor Anastacio.

Abangan ang nakakakilig na love story nina Heart at Ace sa ‘Heartful Café,’ simula April 26, weeknights pagkatapos ng First Yaya, sa GMA Network at GMA Heart of Asia.

 (STARWORLD by ROMMEL GONZALES / BISTADODAILYNEWS.NET)