Breaking News, Showbiz

Johnny Manahan hiyang-hiya kina Piolo at Maja

SI Mr. Johnny Manahan, o mas kilala bilang Mr. M, at dating head ng Star Magic ang kumumbinsi kina Piolo Pascual at Maja Salvador para layasan ang ‘ASAP Natin ‘To’ at patatagin ang pinasukang bagong programa sa TV5, ang ‘Sunday Noontime Live,’ na kanyang pinamumunuan bilang direktor ng pang-Linggong show.

Kaya naman sa pagkawala sa ere ng SNL last  January 17, Sunday,  tanging sambit niya’y “Hiyang-hiya ako sa dalawa,” tukoy ay ang dating ASAP regular hosts na sina Piolo at Maja.

Tatlong buwan lamang napanood ang SNL sa TV5, kaya’t ikinagulat ng hosts at production team ng SNL na tinanggal na sa ere ang kanilang show.

Sa panayam kay Mr.M. sa Pep nitong January 19, aniya, “Actually, they assured us dalawang seasons. One season is three months kaya hanggang March.”

Ang SNL ay isa sa mga programang iprinodyus ng Brightlight Productions, pagmamay-ari ng billionaire businessman at dating Negros Occidental Representative Albee Benitez, para sa TV5.

Simple lang ang paliwanag nina Piolo at Maja nang pagbigyan nila ang pakiusap ni Mr. M na maging hosts ng SNL. Sabi ng dalawa, hindi nila mahihindian ang kanilang tatay-tatayan na instrumento para sa matagumpay nilang showbiz careers.

Pero hindi rin biro ang isyung ibinato kina Piolo at Maja sa pagtawid nila sa TV5. Inisyu ang kanilang loyalty sa ABS-CBN, lalo pa’t tinanggap nila ang project sa TV5 matapos ipasara ang Kapamilya network ng Kongreso, sa pag-udyok ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaya’t paulit-ulit na sambit ni Mr. M, “Kaya hiyang-hiya ako sa dalawa, e. I talked to them and I said, ‘I’m so sorry for dragging you into this.’ Even if they assured us at least six months, nine months pa nga dapat, e.”

Nguni’t hindi nasunod ang napag-usapang itatagal ng programa.

Ano kaya ang sey nina ‘Carmina Villarroel’ at ‘Carmi Martin’ kay Mr.M.?

Bukod sa SNL ay nakansela na rin ang Sunday Kada, isang gag show na kinatatampukan din ng ilang Kapamilya artists.

                                                                 *****

            Lalong sumisigla ang panonood ng ‘Ang Probinsyano’

BUKOD sa pagpasok ng ilang baguhang celebrities (Jane de Leon, Vance Larena, Geoff Eigenmann, Paolo Paraiso, Mark Mcmahon at AJ Raval), lalong sumisigla ang panonood ng ABS-CBN’s primetime seryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” dahil sa kaabang-abang na suspense sa pagtugis kay Cardo (Coco Martin) at ng  kaaway na Task Force Agila na siya nilang susunod na katapat. Papasok ng mga bagong karakter nina Jane De Leon at Geoff Eigenmann na tutugis sa kanila sa “FPJ’s Ang Probinsyano” simula ngayong linggo.

            Sasabak agad sa aksyon at bakbakan sina Jane at Geoff bilang sina Police Captain Lia Mante at Maj. Albert de Vela ng grupong Black Ops upang ipatupad ang inihaing “shoot to kill” order ni Presidente Oscar Hidalgo (Rowell Santiago) laban kay Cardo at sa kanyang mga kasamahan.

Ang mga bagong karakter ng programa ay gaganap bilang bilang mga miyembro ng Black Ops gaya nina Vance Larena, Paolo Paraiso, AJ Raval, at Mark Mcmahon.

 

Sa paghaharap ng Black Ops at Task Force Agila, muling malalagay sa panganib ang buhay ni Cardo pagkatapos ng matagal na panahon ng pagtatago mula sa gobyerno sa teritoryo ni Lito (Richard Gutierrez). Ang hindi alam ni Cardo, si Lito mismo ang nagbigay ng impormasyon sa Black Ops tungkol sa kanilang hideout upang maipatumba niya si Cardo at mapasakanya na si Alyana (Yassi Pressman).

Maipabagsak kaya ni Lia si Cardo at ang Task Force Agila? Tuluyan na nga bang maaagaw ni Lito si Alyana?

Panoorin ang “FPJ’s Ang Probinsyano” sa A2Z channel sa free TV at sa digital TV boxes gaya ng ABS-CBN TVplus. I-scan lang ang digital TV boxes para hanapin ang A2Z channel na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.

Patuloy din itong napapanood mula Lunes hanggang Biyernes, 8 PM sa CineMo at Kapamilya Channel sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa). Maaari ring subaybayan ito sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iwant app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

(TSIKA NI LOLA by ADOR SALUTA / BISTADODAILYNEWS.NET)