Breaking News, Showbiz

JoAnne Lorenzana gustong maka-collaborate sina KZ, Morisette at Moira

AMINADO ang US-based singer at songwriter na si JoAnne Lorenzana na sa bagong henerasyon ng mga sikat na singers ay gusto niyang maka-collaborate sina KZ Tandingan, Morisette Amon at Moira Dela Torre.

Napapanood niya raw kasi sa YouTube ang mga ito at talagang nagagalingan siya sa tatlong female singers. Bilib na bilib siya kay KZ nang mapanood niya ang version nito ng Rollin In The Deep ni Adele. Si Morisette naman ay alaga ng mga kaibigan niyang sina Audie Gemora at Carlo Orosa sa Stages kaya kilala na niya ito tapos hanga pa siya sa pagkanta nito. Iba rin daw ang dating ni Moira lalo na ang melancholic voice nito na kaibig-ibig.

Bukod sa tatlo, binanggit din niya sa kanyang mga hinahangaan sina Sam Mangubat at ang vocalist ng bandang December Avenue.

Ang mga ito ang inihayag na mga pangalan ni JoAnne nang matanong siya sa Zoom presscon para sa digital release ng kanyang latest single na ‘My Everyday Valentine.’

Nagbabalik nga sa recording at music scene si JoAnne sa pamamagitan ng ‘My Everyday Valentine’ na aniya ay dedicated sa kanyang mahal na asawa at siyempre sa Panginoong Diyos.

“I wrote this song in honor of my husband. Nagkaroon siya ng accident at kinailangan niyang mag-undergo ng surgery. I thought I’m going to lose my husband. But nalagpasan niya ito at naka-recover. So, he really is ‘My Everyday Valentine.’ And the Lord is ‘My Everyday Valentine.’ Actually, my husband was the one who asked me to release the song last February 14, na aside sa Valentine’s Day ay birthday ko rin. That’s why this song is very special to me,” salaysay pa ni Joan.

Sinulat nga mismo ni Joanne ang lyrics ng ‘My Everyday Valentine’ at nakipag-collaborate siya sa kanyang mga kaibigang music experts. Ang awitin ay nilapatan ng melody ni Jimmy Borja at ang arrangement naman ay pinamahalaan ni Jimmy Antiporda.

Ang sweet, easy listening pop ballad ay may mensaheng kapag nagmamahal ka, araw-araw ay Valentine’s Day. Lagi nating iparamdam sa ating mga minamahal ang ating pag-ibig sa kanila.

Sumikat si JoAnne bilang recording artist, performer at songwriter noong mid-1980s to the 1990s. Siya ang umawit ng hit songs na ‘I’ll Never Let You Go,’ ‘Kung Alam Mo Lang,’ ‘Back In Your Arms,’ at marami pang iba.

2010 pa siya huling nag-release ng album, ang ‘Between Seasons.’ Sa pagitan ng taong iyon hanggang sa kasalukuyan, isang beses lang siyang nakapag-release ng kanta, ang ‘New Year’s Day,’ five years ago.

At sa pag-release niya ngayon ng ‘My Everyday Valentine,’ desidido si JoAnne na makagawa at makapag-release ng bagong mga kanta taun-taon.

Ang ‘My Everyday Valentine’ ay available for listening and downloading sa Spotify, iTunes, Apple Music, Amazon Music and  soon sa iba pang music streaming services.

          Para sa updates tungkol kay JoAnne puwede ninyo siyang i-follow sa kanyang Facebook page at mag-subscribe din sa kanyang YouTube Channel.

Samantala, sa Zoom presscon ay nakilala rin namin ang pamangkin ni JoAnne na si Kylie Lorenzana Fonacier na bukod sa magaling kumanta ay mahusay ding piyanista. Naka-base si Kylie sa Vancouver, Canada. Given the chance ay gusto niyang makasama ang Tita JoAnne niya sa isang concert dito sa Pilipinas o kahit sa online concert.

(BONGGA by GLEN P. SIBONGA / BISTADODAILYNEWS. NET)