Breaking News, Showbiz

Janine pabor sa lock-in taping kahit matapos na ang pandemya

NGAYONG panahon ng pandemya na dulot ng panganib na banta ng COVID-19, nauso, bilang bahagi ng new normal, ang lock-in taping at shooting.

Kapag sinabing lock-in, walang uwian, walang alisan sa location ang lahat ng artista, direktor at buong production team/crew ng isang TV show o pelikula hangga’t hindi natatapos kunan ang lahat ng eksena.

Naranasan na ni Janine Gutierrez ang lock-in shooting at pabor siya rito; at pabor din siya na ituloy ito kahit matapos na ang pandemya at bumalik na sa normal ang lahat.

“Ako personally, medyo naging okay yung experience ko dito sa pelikula namin. Dahil ang galing talaga ng TBA mag-alaga, talagang sinunod lahat ng protocol, we felt so safe. Yung oras bilang na bilang.” ani Janine.

Ang produksyon na may hawak ng pelikulang ‘Dito At Doon’ kung saan bida sina Janine at JC Santos ay ang TBA Studios.

“Pero hindi kasi ganun ang nangyayari sa lahat ng lock-in. Di ba? Meron ding mga bali-balita  na hindi masyadong nasusunod sa iba, at nahihirapan ang mga artista.

“So kung TBA, okay ako. And it also helps na, dati kasi segue-segue, so today ikaw si Len, bukas ikaw si Dragon Lady, or something di ba? So medyo it’s easier na tuluy-tuloy.”

Gumaganap si Janine bilang si Len sa ‘Dito At Doon,’ at ang ‘Dragon Lady’ naman ay ang pinagbidahang fantasy series ni Janine noong 2019 sa panahong nasa GMA pa si Janine bago naging opisyal na Kapamilya nitong January ng taong kasalukuyan.

Pagpapatuloy pa ni Janine tungkol sa lock-in shooting at taping.

“Pero that’s for me, alam ko yung mga may pamilya like JC or yung mga nanay na meron pang mga batang anak, alam ko mahirap talaga yung ganitong klaseng sistema.”

Sa pagtutulungan ng TBA Studios at WASD Films, maaaring mapanood via streaming ang ‘Dito At Doon’ sa limang major online platforms: KTX.ph ( https://www.ktx.ph/); Cinema ’76 @ Home(https://cinema76fs.eventive.org/welcome); iWant TFC ( https://tfc.tv/), Upstream ( https://upstream.ph/) at sa Ticket2Me (https://ticket2me.net/). Tampok rin dito sa isang mahalagang papel ang aktres na si Lotlot de Leon.

            *****

            Mundo ng mga hacker sa ‘i-Witness’

NGAYONG Sabado (April 17) sa ‘I-Witness,’ samahan si Sandra Aguinaldo sa mundo ng mga hacker.

Sinasabing may isang sikretong mundo sa cyberspace kung saan tahimik na kumikilos ang mga taong marurunong sa teknolohiya. Sila ang mga taong hindi mo nakikita at naririnig. Pero nakakapasok sila sa iyong opisina at tahanan sa pamamagitan ng iyong computer. Sila ang mga hacker.

Dalawampu’t isang taon na ang nakalipas nang pumutok sa balita ang isang virus na gawa ng Pinoy hacker na si Onel de Guzman. Tinawag itong “I love you” virus na nagbura ng data sa milyun-milyong computer sa buong mundo. Nagdulot ito ng pinsalang nagkakahalaga sa $10 bilyon.  Ilang Pinoy hacker na rin ang sumunod na naging laman ng balita mula noon pero ayon sa kanila, hindi na ilegal ang kanilang ginagawa ngayon.  Ilan sa kanila, nasa cyber security na kung saan, sa pahintulot ng may-ari, hina-hack nila ang mga website para malaman kung may kahinaan ito.  Tinatawag silang “white hat’” o “ethical hacker”.

Isa rito si Alexis Lingad. Nagsimula bilang “black hat hacker”—yung mga ilegal na nangha-hack ng mga website, ngayon ay isa na siyang cyber security engineer.  May YouTube channel din siya kung saan nagtuturo siya kung paano mas mapapaigting ang iyong seguridad online. Naniniwala raw siyang makapangyarihan ang mga hacker. Kaya raw nilang hawakan ang mga industriya at military, pati kapangyarihan para sa pulitika ng isang bansa.

Mayroon din namang nagsimula bilang isang “hacktivist” kung saan ang hacking ay isang uri ng pagpoprotesta sa mga isyung pulitikal o panlipunan. Si Rodel Plasabas, inaresto noong 2013 sa pagiging miyembro diumano ng isang hacktivist group na Anonymous Philippines na may kakagawan sa pag-hack sa ilang websites ng gobyerno. Kalaunan, na-dismiss ang mga kaso laban sa kanya at naging consultant siya noon sa Cyber Crime Division ng National Bureau of Investigation pati na rin sa Armed Forces of the Philippines. Ngayon ay nagtuturo siya ng cyber security sa mga estudyanteng Singaporean.

Sa panahong napakaraming Pilipino ang babad sa internet, napakalaki rin ang pagkakataong mabiktima ng mga cyber criminals ang mga hindi nag-iingat. Panuorin ang “Hacker” sa I-Witness ngayong Sabado pagkatapos ng Daddy’s Gurl sa GMA.

Para sa mga Kapuso abroad, napapanood din ang I-Witness sa GMA Pinoy TV.

(STARWORLD by ROMMEL GONZALES / BISTADODAILYNEWS.NET)