Breaking News, Showbiz

Janine inggit sa ibang bansa na puwede nang manood sa sinehan

TUNGKOL sa pandemic at lockdown na nagsimula last year ang tema ng pelikulang ‘Dito At Doon’ na tinatampukan nina JC Santos at Janine Gutierrez.

Makikita ang kakaibang pakilig sa manonood nina JC at Janine sa pelikula.

Saktong isang taon ngayong March mula nang nangyari ang pandemic sa bansa, ang TBA Studios, in association with WASD Films ay ilulunsad ang online release ng pandemic romance movie na ito ngayong Wednesday, March 31, 2021.

Si Janine ay gumanap dito bilang si Len Esguerra, isang headstrong Political Science graduating student na no-boyfriend-since-birth. Si JC naman ay si Carlo Cabahug, ang delivery rider na breadwinner ng kanyang pamilyang nasa Cebu mula nang inabandona sila ng kanyang tatay.

Nang nagkrus ang landas nila via online sa pagsisimula ng ECQ last year, sila ay naging frenemy at eventually ay nagkalapit sa pamamagitan ng virtual communication at dito’y may nabuong kakakaibang koneksyon sa kanilang dalawa.

Bilang reaction kung gaano ka-challenging ang nangyaring lockdown sa kanya last year, sinabi ni Janine na malaking bagay na palagi siyang may kausap.

Aniya, “Ako, parang iniisip ko na parang malaking tulong din iyon na mayroon kang palaging kausap. Na kahit na masungit ka or malungkot ka ay kakausapin ka pa rin niya,” natatawang saad ni Janine.

Pagpapatuloy pa niya, “Parang noong pandemic kasi, kailangan natin talagang umasa at sumandal sa isa’t isa. So I’m just grateful that mayroon akong ganoon na kasama nitong past year.”

Nabanggit din ng aktres kung ano ang gusto niyang unang gawin kapag natapos na ang pandemya.

“Ako, gusto kong manood ng sine talaga. I was really looking forward to watching inside a theater. Kasi siyempre, iba pa rin yung experience, ‘di ba?  But you know, kailangan nating mag-adjust kung ano ang pinakaligtas sa atin ngayon. Pero once na ano, iyon talaga…

“Naiinggit ako sa mga ibang bansa na nakakanood na ulit sa sinehan,” paliwanag pa ng aktres.

Ano ang masasabi ni Janine sa kanilang movie na nagkaroon ng world premiere recently?

Esplika ng tisay na aktres, “It’s hard to say yung reaction ko without spoiling the ending, eh. Pero even if I knew what was going to happen, yung pagka-edit at kung paano ginawa yung pelikula, ang galing. Like, I can say na wala pa akong napanood na pelikulang ganoon.

“Sinabi ko nga kay Direk JP na ang galing ng version niya for the film, kasi ay nagawa niyang bago yung isang kuwento na originally ay dapat parang zoom lang yung mga usapan or through the phone.”

Saad pa niya, “Kasi naging makatotohanan siya. Hindi niya isinantabi itong mga pinagdaanan natin nitong ECQ, GCQ, and instead sinubukan niyang i-mirror iyon at ipakita.”

Ang ‘Dito At Doon’ ay mula sa pamamahala ni Direk JP Habac, tampok din dito sina Yesh Burce, Victor Anastacio, Lotlot de Leon, at iba pa.

Ito ang unang pagkakataon na ang isang local na pelikula ay magkakaroon ng simultaneous streaming sa limang major online platforms na kinabibilangan ng KTX, Cinema76@Home, Iwant TFC, Upstream, at Ticket2me. Para sa karagdagang impormasyon, maaring bumisita sa https://www.facebook.com/TBAStudiosPH. Follow TBA Studios on Twitter, Instagram, and Youtube. Join the conversation online using the hashtags #DitoAtDoon #ProudlyTBA.

(SILIP by NONIE NICASIO / BISTADODAILYNEWS.NET)