Breaking News, Nations

Ivermectin pan-three

Kung mayroong community pantry para sa pagkain, magkakaroon na rin ng ivermectin pan-three para naman sa pamamahagi ng libreng gamot para makatulong sa sinumang nangangailangan.

Ngayong Huwebes (Abril 29), ilulunsad nina House Deputy Speaker at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang “Invermectin Pan-Three” sa kooperasyon ng Lifecore Bio-Integrative Inc., Malayang Quezon City at Concerned Doctors and CitizensPhils. (CDC-PH).

Gaganapin ito ng alas-9 ng umaga na susundan ng distribusyon sa mga barangay ng New Era, Commonwealth at Holy Spirit para sa mga mahihirap at walang kakayahan na makapagbayad sa hospitalization at mahabang gamutan.

Nagdesisyon sina Marcoleta at Defensor na isulong ang proyekto matapos ang isinagawang magkasamang pagdinig ng House Committees on Good Government at Public Accountability at mabunyag ang tripleng pagbabayad ng ilang ospital sa gamot na Remdesivir para sa mga pasyente ng covid-19.

Ayon sa mga mambabatas, ang bawat benepisaryo ay makakatanggap ng minimum na tatlong kapsula o tablet ng libre.

Kumbinsido ang mga ito sa naging testimonya ng mga eksperto sa ginawang pagdinig ng kamara ukol sa mabisang gamot ng ivermectin sa covid-19 na nagsimulang ginamit na panglaban sa human parasites noong 1981 at mula noon ito ay sinangkapan ng vitamins C at D, melatonin, zinc, kabilang ang steroids para sa mga matatanda at pasyenteng may hika.

Sinabi pa ng dalawang mambabatas na meron ding isinagawang independent analysis sa may 26 randomized clinical trials at observational controlled trials kung saan nagresulta rin na ang Ivermectinis ay epektibo para sa prophylaxis at sa Covid-19. (Vina de Guzman)