Breaking News, Business

ISYU SA BAKUNA: ‘WAG MAGTIWALA SA KOMEDYANTE, VICE GANDA SAPOL KAY SPOX ROQUE

ANG pananaw ng mga eksperto ang dapat na pagkatiwalaan pagdating sa usapin ng COVID-19 at hindi ang mga komedyante.

Ito ang reaksyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng pahayag ng TV-host/comedian na si Vice Ganda sa kanyang social media post na, “Sa sabong panlaba nga choosy tayo e sa bakuna pa kaya. Ano to basta may maisaksak lang?! Vaklang twoooaahhh!!!” ayon sa aktor sa Twitter post.
Wala mang binanggit na pangalan, sinabi ni Roque na hindi dapat ikumpara ang bakuna sa sabong panlaba.

“Mali naman na ikukumpara ang bakuna sa sabon na panlaba. Ang katunayan po, wala naman pong supply na ganoon kadami. Nag-aagawan nga po tayo, sa 18% na available na supply,” ani Roque.

“Pangalawa, hindi lang naman po ito gagamitin para sa damit. Kaya nga po hindi lang isa, hindi lang dalawa kung hindi tatlong grupo pa ng eksperto ang magsusuri kung ang mga bakuna ay ligtas at epektibo,” dagdag pa ng kalihim.

“Kung hindi naman natin pagtitiwalaan ang mga experts na tatlong batches of experts pa ang magsasabing puwede nating gamitin iyan at magiging basehan para mag-issue ang FDA [Food and Drug Administration] ng EUA [emergency use authorization], eh sino ang ating pagkakatiwalaan? Siguro po hindi ang mga komedyante,” giit ni Roque. (Eloise L.)