May posibilidad na tinulungan ng mga POGO actor si dating presidential spokesperson Harry Roque sa kaniyang pagtakas sa bansa gamit ang pribadong eroplano patungong Abu Dhabi.
Ito ang paniwala ni Senadora Risa Hontiveros kasabay panawagan sa Bureau of Immigration (BI) na kilalanin ang mga personalidad na nasa likod ng posibleng pagtakas ni Roque.
“I expect the BI, along with our other law enforcers, to identify at the soonest possible time who helped Harry Roque escape undetected. Ang Dubai ay isang POGO hub kaya baka mga POGO actors din ang tumulong sa kanya,” sabi ni Hontiveros sa isang statement.
“The BI still has a lot of explaining to do. Kahit ang pagtakas ni Guo Hua Ping papuntang Indonesia, wala pa rin silang sagot kung paano nangyari,” dagdag pa niya.
Nakumpirma ng mga awtoridad na umalis ng Pilipinas si Roque matapos magsumite ng isang counter-affidavit na pinanotaryo sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE).
“Kapag mga ordinaryong Pilipino na lumalabas ng bansa, pahirapan sa Immigration, pero kapag mga pugante, tila ang dali makalusot,” saad ni Hontiveros.
“POGO is officially banned in the country kaya dapat wala nang anumang impluwensya ang mga taga-POGO sa ating mga institusyon, lalo na sa ating Immigration,” saad pa niya.