Breaking News, Showbiz

Hindi buntis si Marian Rivera!

MAY tsika kasing nagdadalangtao si Marian, pero nilinaw ito ng aktres, hindi nga raw.

Kung sakali raw mabubuntis siyang muli, labis nilang ikatutuwa iyon ng mister niyang si Dingdong Dantes, regalo mula sa Panginoon ang anak kaya blessing iyon na maituturing. Pero iyon na nga, nilinaw mismo ni Marian, hindi siya buntis sa ngayon.

Maganda ang dulot kay Marian na lagi lang siyang nasa bahay, mas lalo siyang gumanda at naging fresh.

Oo, yung akala natin na wala nang igaganda pa si Marian dahil napakaganda na niya, aba e posible palang mas gumanda pa siya lalo!

Sanay na si Marian na nasa bahay lamang sila dahil nga sa pandemya, naasikaso niyang mabuti ang asawa niya at mga anak na sina Zia at Ziggy.

Samantala, maganda ang bagong commercial nina Marian at, for the first time, si Zia para sa WalterMart supermarket, huh!

May “cameo” appearance pa sa naturang TVC ang handler ni Marian na si Tristan Cheng bilang delivery guy  na pagka-guwapu-guwapo at biro nga ni Marian ay mas mahal pa ang talent fee ni Tristan sa naturang TVC kaysa sa kanila ni Zia.

Still on WalterMart, malaking tulong sa mga netizen ang kanilang delivery service lalo sa panahon ng pandemya na takot tayong lumabas dahil nagkalat ang germs at virus sa paligid, kaya pinakaligtas na nga na oorder na lamang tayo ng mga kakailanganin natin sa bahay at kusina at hihintayin na lamang natin na dalhin ang mga ito sa mismong bahay natin ng mga masisipag at kumpleto sa health protocols at testing na mga delivery people.

Kumusta na ba sina Marian, Dingdong at mga anak nila ngayong halos isang taon na ang pandemya?

“Well, pagbabago siguro hindi lang kami ngayon lumalabas para magpunta sa mall or pumunta kung saan. Kasi, alam niyo yun, mahirap na, e.

“Pero sabi ko nga kay Dong, makaka-adjust at makaka-adjust kami.

“Sa mga nangyayari sa atin sa mundo ngayon, parang ito yung wake-up call mo na, ano ba talaga ang prayoridad mo, ano talaga ang importante sa ‘yo.

“Ngayon, alam nating lahat ‘yan. Napagdaanan nating lahat ‘yan, naranasan nating lahat.

“At malinaw sa atin na ang pamilya ang pinakamahalaga sa lahat ng nangyayari sa mundong ito.

“At siyempre, bukod sa pamilya, naibibigay mo ang pangangailangan nila. Kailangan healthty sila, so dapat yung kombinasyon na yun, buong-buo.

“At siyempre, kailangan din ng pananalig sa Itaas para protektahan kayo at mga mahal mo sa buhay,” ang nakangiting pahayag pa ng Primetime Queen ng GMA.

            *****

Simula noong Lunes (Pebrero 15), tiyak na mas iinit ang inyong mga hapon sa pagsisimula ng fresh episodes ng GMA Afternoon Prime series na ‘Magkaagaw.’

Sa pagpapatuloy ng seryeng pinangugunahan nina Sheryl Cruz, Sunshine Dizon, Klea Pineda, and Jeric Gonzales, mas matitinding harapan at tapatan ang aabangan ng mga manonood. Tuluyan na nga bang magwawagi si Veron (Sheryl) sa kanyang paghihiganti?

Huwag palampasin ang mga kaabang-abang na eksena sa all-new episodes  ng ‘Magkaagaw,’ simula Pebrero 15, Lunes hanggang Sabado, sa GMA Afternoon Prime!

(STARWORLD by ROMMEL GONZALES / BISTADODAILYNEWS.NET)