Breaking News, Lifestyle

HEPE, MEDICO-LEGAL OFFICER, 2 PANG HUMAWAK SA DACERA CASE, SIBAK

APAT na pulis ang inaprubahan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas na sibakin sa puwesto, kaugnay ng kwestyunableng imbestigasyon sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Kinilala ang mga sinibak na sina Makati Chief of Police Col. Harold Depositar, Southern Police District Medico Legal Officer Police Major Michael Nick Sarmiento at dalawa pang imbestigador.

Sinibak si Depositar dahil sa command responsibility, habang nakitaan ng “lapses” sa pag-iimbestiga sina Sarmiento bilang medico-legal officer at dalawang imbestigador.

Tiniyak naman ni Sinas na hindi maaapektuhan ang imbestigasyon sa kaso ni Dacera dahil makikipagtulungan pa rin ang mga sinibak na pulis sa binuong Special Investigation Task Group.

Matatandaang si Dacera ay natagpuang patay sa isang hotel sa Makati noong Enero 1, at nakwestyon ang Makati-PNP sa pag-iimbestiga sa kaso. (Eloise L.)