Breaking News, Showbiz

Gabbi Garcia tinalakan ng AlDub fans, tinawag pang bugaw

SA episode ng ‘All-Out Sundays’ noong Linggo, naispatan ng mga netizen at fan ni Alden na pinalipat ni Gabbi Garcia si Alden Richards sa tabi ni Julie Anne San Jose. At hindi ‘yun nagustuhan ng mga fan nina Alden at Maine Mendoza, na Aldub nation. Alam kasi ng mga ito, na nali-link ang aktor kay Julie ilang taon nang nakalilipas.

Ayon sa Twitter user na si @ADN_MaiChard, kahit palipatin pa ng puwesto ni Gabbi si Alden ay laos na ang show ng mga ito. Tinira rin nito si Julie at sinabing kahit maghubad pa ito ay hindi tataas ang ratings dahil si Alden lang ang star.

Itinag pa nito ang GMA at Artist Center at inihayag na lalo nilang ginagalit mga viewer.

Sambit naman ng isa, binubugaw umano ni Gabbi si Julie kay Alden sabay sabing bakit hindi ang nobyong si Khalil Ramos ang ibugaw kay Julie. Hindi rin nakalusot si Julie sa mga pambabatikos. Kinuwestyon ni @Hermykermy ang suot ni Julie na mukha umanong bold star at lumalabag ang ‘AOS’ sa safety protocol dahil walang mga suot na face shield. Dagdag nito, halos nakaluwa na umano ang boobs ni Julie.

Sumagot naman si Gabbi sa mga pambabatikos at ayon sa aktres, walang nag-utos sa kanya na palipatin ng puwesto si Alden na siya umanong headliner ng show kaya dapat nasa gitna ito.

******

Cong. Yul Servo naglunsad ng Public Bike Repair Stations sa Maynila

 

ANG paglulunsad ng proyektong Public Bike Repair Station, ay sa pangunguna ni Congressman John Marvin ‘Yul Servo’ Nieto ng ikatlong distrito ng Maynila. Pinasinayan ito sa mga piling lugar/barangay sa nasabing distrito at ilang bahagi ng siyudad noong Huwebes,February 11, 2011.

Dahil ngayong pandemya, naging mahirap ang transportasyon ng karamihang Manilenyo sa lungsod ng Maynila. Kaya naman naisipan ng magiting na congressman na itayo ang Public Bike Repair Stations. Layunin ng proyektong ito ay para sa ikagiginhawa at seguridad ng ating mga kababayang nagbibisikleta. Maaari kang magpahangin at magtapal ng butas ng iyong gulong at may mga kasangkapan din na maaring gamitin pang-ayos kung ikaw ay nasiraan habang nasa biyahe. First aid, kumbaga. At libre lang ito.

At dahil nais magamit ang mga ito nang ligtas, ang bawat bike repair station ay mayroong disinfectant na maaring gamitin ng publiko.

Ang Public Bike Repair Stations ay libreng inilagay sa mga napiling barangay tulad ng barangay 390, 386, 890, 291, 303, 353 at iba pa. Sa mga bikers sa Maynila,kapag nasiraan kayo,pumunta lang kayo sa mga nabanggit na barangay na may bike repair station.

(HATAWAN by ROMMEL PLACENTE / BISTADODAILYNEWS.NET)