Breaking News, Showbiz

Film Ambassadors’ Night pinaghandaan ng FDCP para sa honorees

PINAGHANDAAN daw mabuti ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pamumuno ni Chairperson and CEO Liza Dino Seguerra ang ikalimang Film Ambassadors’ Night (FAN) ngayong taon na mapapanood sa online via fdcpchannel. ph sa Pebrero 28. Hindi raw dapat maging hadlang ang pandemya para bigyang ng pagkilala ang honorees at special awardees na nagbigay ng karangalan sa Pilipinas sa iba’t ibang international film festivals.

Ayon nga kay Chair Liza sa online presscon ng FAN, “Talagang pinaghandaan po namin ito para maging espesyal ang event for our honorees. Ito po ang unang major event ng FDCP for 2021, so let’s all unite. I-celebrate po natin ang mga magandang nangyari sa 2020 sa kabila ng pandemya. Nakaka-proud lang na nakakita kami ng increase sa mga actors and movies na nananalo sa international film festivals. Dati paisa-isa, ngayon marami na ang nananalo.”

Ang Film Ambassadors’ Night, na taunang isinasagawa ng FDCP, ay kumikilala sa Filipino film industry creatives, artists, filmmakers, at mga pelikula na nakatanggap ng parangal mula sa established international film festivals at award-giving bodies ng nakaraang taon.

Para sa ikalimang edisyon, isasagawa ang FAN bilang pagsuporta sa National Arts Month ng NCCA. Ipalalabas ito nang libre sa pamamagitan ng online streaming sa Pebrero 28, Linggo, ng 8 pm exclusively sa FDCP Channel. Ang mga nais manood ng FAN 2021 ay maaaring mag-sign up for free sa fdcpchannel. ph.

Ang FAN ay suportado ng CCP sa pamamagitan ng partisipasyon ng resident symphony orchestra nito, ang Philippine Philharmonic Orchestra (PPO). Tampok ang PPO sa mga production number kasama ang mga premyadong performer na sina Bamboo, Tres Marias (Bayang Barrios, Cooky Chua, at Lolita Carbon), Bituin Escalante, Beverly Salviejo, Karla Gutierrez, Lawrence Jatayna, at The Pogi Boys. Mayroon ding special number tampok sina Ice Seguerra, Juris Fernandez, Princess Velasco, Sitti, Richard Poon, Kean Cipriano, at Duncan Ramos.

Kabilang sa FAN 2021 honorees ang A-Listers na filmmakers na sina Rafael Manuel at Lav Diaz. Ang A-Listers ang mga nanalo ng awards sa prestihiyosong A-List international film festivals na idineklara ng International Federation of Film Producers Associations (FIAPF).

Tinanggap ni Rafael Manuel ang Berlinale Shorts Silver Bear Jury Prize para sa “Filipiñana” sa ika-70 na Berlin International Film Festival sa Germany habang napanalunan ni Lav Diaz ang Orizzonti Award para sa Best Director para sa “Lahi, Hayop (Genus Pan)” sa ika-77 na Venice International Film Festival sa Italy.

May anim na honorees sa Feature Films category: “Sunshine Family” ni Kim Tai-Sik, “Write About Love” ni Crisanto Aquino, “Latay (Battered Husband)” ni Ralston Jover, “Pan de Salawal” ni Che Espiritu, “Lingua Franca” ni Isabel Sandoval, at “John Denver Trending” ni Arden Rod Condez.

Ang honorees sa Directors category ay sina Maria Diane Ventura para sa “Dein Fabre,” Mallorie Ortega para sa “The Girl Who Left Home,” at Derick Cabrido para sa “Clarita.”

Tampok sa Actors category sina Cristine Reyes para sa “UnTrue,” Ruby Ruiz para sa “Iska,” Elijah Canlas para sa “Kalel, 15,” Louise Abuel para sa “Edward,” Isabel Sandoval para sa “Lingua Franca,” Alden Richards para sa “Hello, Love, Goodbye,” Lovi Poe at Allen Dizon para sa “Latay,” at ang cast members ng “Kaputol” na sina Cherie Gil, Alfred Vargas, Angel Aquino, at Ronwaldo Martin. Sina Dingdong Dantes at Arjo Atayde ang television awardees na napabilang sa FAN 2021 Actors list.

Ang iba pang categories ng FAN ay ang Short Films, Documentaries, Creative Awards, at Special Citation. Ang dalawang Special Citation recipients ay ang beteranong direktor para sa telebisyon at pelikula na si Luisito Lagdameo Ignacio at ang yumaong filmmaker at International Film Festival Manhattan co-founder na si Gerry Balasta.

Mayroong special awards ang FAN para magbigay-pugay sa mga film stakeholder na may napakahalagang kontribusyon sa industriya at patuloy na nagtatrabaho para sa ikabubuti ng Pelikulang Pilipino.

Ang Cinemadvocates ay special segment ng FAN ngayong taon para kilalanin ang mga indibidwal at grupo na walang pagod na ikinakampeon ang kapakanan ng mga manggagawa ng industriya ng pelikula at ang pag-unlad ng industriya. Sina Pangasinan 4th District Rep. Christopher “Toff” de Venecia, National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Chairman at Cultural Center of the Philippines (CCP) President Arsenio “Nick” Lizaso, Lockdown Cinema Club, Inter-Guild Alliance, Dingdong Dantes, at Angel Locsin ang FAN 2021 Cinemadvocates.

Ang Gabay ng Industriya Award ay bagong parangal para bigyang-pugay ang mga nagsisilbing gabay at inspirasyon sa Philippine Cinema. Nagpapasalamat ang industriya sa kanilang kahanga-hangang talento, work ethic, at pagmamahal para sa pelikula. Ang cinematography icon na si Romy Vitug ang tatanggap ng Haligi ng Industriya Award at ang legendary actress na si Gloria Romero ang tatanggap ng Ilaw ng Industriya Award.

Ang Camera Obscura Artistic Excellence Award ang pinakamataas na parangal na iginagawad ng FDCP para sa trailblazers at legends ng industriya. Ang Camera Obscura awardees ngayong taon ay sina Jun Juban ng Philippine Film Studios, Inc., multi-awarded documentary “Aswang” ni Alyx Arumpac, at ang dating NCCA Commissioner na si Teddy Co.

Ang Philippine Film Studios, Inc. ni Juban ay critical figure sa film at audiovisual industry ng bansa dahil naka-produce at co-produce ito ng maraming pelikula at audiovisual content gaya ng Academy Award winners na “Born on the Fourth of July” at “Platoon” ni Oliver Stone, “The Bourne Legacy” ni Tony Gilroy, Metro Manila Film Festival Best Picture “10,000 Hours” ni Bb. Joyce Bernal, at mga edisyon ng reality television programs na “The Amazing Race” at “Survivor.”

Ang “Aswang” ni Arumpac ay A-Lister noong FAN 2020 pagkatapos nitong makamit ang Fipresci Prize sa 2019 International Documentary Film Festival Amsterdam (IDFA). Nanalo pa ng walong international awards ang full-length documentary noong 2020, kabilang ang Best International Feature-Length Documentary ng Festival Film Dokumenter sa Indonesia, Grand Prize-Best International Feature ng the RIDM Montreal International Documentary Festival sa Canada, Amnesty International Human Rights Award ng Thessaloniki International Film Festival sa Greece, at White Goose Award (Grand Prize) ng DMZ International Documentary Festival sa South Korea.

Si Teddy Co, ang dating NCCA Commissioner of the Arts at Head of National Committee on Cinema, ay isang direktor, curator, at archivist na malaki ang kontribusyon sa repatriation at restoration ng lost films nina Manuel Conde, Gerardo de Leon, at Nonoy Marcelo. Co-founder siya ng Cinema Rehiyon, kung saan patuloy ang kaniyang pag-curate nito. Siya rin ay selection committee member para sa Cinemalaya, Cinema One Originals, at QCinema International Film Festival.

(BONGGA by GLEN P. SIBONGA / BISTADODAILYNEWS. NET)