Breaking News, Showbiz

Ex-PBB housemate Zonia Mejia, kasama sa serye ni Julie Anne San Jose  

AMINADO si Zonia Mejia na malaking break sa kanya na mapabilang sa cast ng ‘Heartful Café’ ng GMA-7. Ito’y pinagbibidahan ni Julie Anne San Jose at nagsimulang umere last Monday, April 26, after ng ‘First Yaya.’

Tampok din dito sina David Licauco, Jamir Zabarte, Ayra Mariano, Victor Anastacio, Angel Guardian, at Edgar Allan Guzman, sa pamamahala ni Direk Mark Dela Cruz.

Ipinahayag ni Zonia na na-excite siya nang husto nang nalamang makakatrabaho niya ang iniidolong si Julie Anne sa naturang drama romantic comedy series.

Saad ni Zonia, “Sobrang na-excite po ako nang malaman ko na si ate Julie Anne yung isa sa makakasama ko rito sa show at pinsan ko pa siya rito.

“Sobrang thankful ako na talagang tinulungan din ako ni ate Jules sa mga eksena na magkasama kami and sobrang bait ni ate Jules, sobrang humble kahit na sobrang hinahangaan siya ng marami, katulad ko po.”

Aniya pa, “Si Jamir naman ngayon ko lang din siya nakatrabaho at partner kami rito sa show. Nagpapasalamat ako sa kanya, kasi inaalalayan niya rin ako sa mga eksena namin. Very makulit si Jamir, nakakahawa yung energy niya sa set lalo na kapag gabi na at pagod na ang lahat.

“Nakakatuwa lang na siya yung una kong nakatambal dito sa GMA, kaya super thankful ako sa kanya.”

Pahabol pa ni Zonia, “Ito pong Heartful Cafe ang una kong teleserye na makakasama ako sa main cast. Kaya talagang nagpapasalamat po ako sa GMA at saka sa manager ko pong si Ms. Joy Marcelo, sa handler kong si ate Sab Bulatao, and siyemrpe sa co-manager kong si mama Jun Reyes.”

Si Zonia ay produkto ng ‘Pinoy Big Brother 737’ noong 2015. Nakasama niya sa Bahay ni Kuya sina Barbie Imperial, Ylona Garcia, at Bailey May.

Siya ay naging bahagi ng 2018 Star Magic Circle, ka-batch nina Leila Alcasid, Donny Pangilinan, Chantal Videla, at Tony Labrusca.

Nang matapos ang kontrata niya sa Star Magic ay lumipat siya sa GMA-7 at napanood sa ‘Magpakailanman’ at ‘Sahaya.’

Paano niya ide-describe ang seryeng ‘Heartful Cafe?’

Tugon ng magandang young actress, “Ang ‘Heartful Café’ po ay isang napakamasayang teleserye na kailangan natin ngayong panahon na may pinagdadaanan ang lahat ng tao. Punong-puno ng mga eksenang nakakakilig, nakakatawa… may mga eksenang maiiyak ka rin.

“Iba’t ibang uri po ng love ang ise-serve namin sa ‘Heartful Cafe.’ Pag-ibig sa magulang, kaibigan, sa trabaho, at siyempre sa iyong the one,” masayang saad pa ni Zonia.

(SILIP by NONIE NICASIO / BISTADODAILYNEWS.NET)