Breaking News, Showbiz

Elijah at Kyle maraming na-discover sa isa’t isa sa lock-in taping ng ‘Paano Ang Pangako?’

KONTRA man oncam ang mga karakter na ginagampanan nina Elijah Canlas (bida) at Kyle Velino (kontrabida) sa TV5 primetime teleseryeng ‘Paano Ang Pangako?’ inamin naman ng dalawa na mabuti silang magkaibigan offcam at sa totoong buhay.

Mas naging close nga raw sila ngayon matapos nilang magkatrabaho sa hit Pinoy BL series na ‘Gameboys.’ Marami raw silang na-discover sa isa’t isa lalo na ngayong magkasama sila sa lock-in taping ng Paano Ang Pangako.

Ayon nga kay Elijah, “Mas nakilala ko lang po si Kyle talaga. Kasi po dati sa Zoom lang kami sa Gameboys. Magkikita lang kami sa Zoom either pag nagsu-shoot na or kapag manonood kami ng episode nang sabay. Hindi ko po talaga kilala si Kyle, who he is as a person. So, ngayon nakikita ko po kung gaano talaga siya kabait. Masaya po siyang kasama. Hindi ka po mabo-bore kapag kasama mo si Kyle Velino.”

Pagbabahagi naman ni Kyle, “Ngayon sobrang solid namin ni Elijah. Dati puro Zoom lang kami. Pero ngayon… lalo na magkatabi lang yung rooms namin dito. Sobrang solid. Pag may pagkain siya, bibigyan niya ako. Pag mayroon ako, bibigyan ko siya. Yung bonding namin kakaiba, sobrang tropa. And feeling ko malaking bagay din iyon sa trabaho namin na talagang we get along.”

Dagdag pa ni Elijah, “Si Kyle po kasi mas nakikilala ko ngayon bilang tao, yung mga pangarap niya, kung gaano siya ka-hardworking, kung gaano siya kadesidido, and sobrang inspiring din siyang kaibigan. Tapos nae-excite din po kaming mag-shoot para sa Gameboys 2.”

Close man sila bilang magkaibigan, syempre kailangan pa rin nilang maging in character na kapag gumiling na ang camera sa ‘Paano Ang Pangako?’ Pag-aagawan nila sa istorya si Miles Ocampo. Ang love triangle nila ang isa sa mga aabangan ng mga manonood sa kanilang teleserye.

Handog ng The IdeaFirst Company at Cignal Entertainment, ang ‘Paano Ang Pangako?’ ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes, 9pm, sa TV5.

(BONGGA by GLEN P. SIBONGA / BISTADODAILYNEWS. NET)