Breaking News, Business

Ekonomiya sa charter pagdedebatihan sa plenaryo

Umaasa ang Chairman ng House Committee on Constitutional Amendments na masisimulan na sa unang linggo ng Pebrero ang debate sa plenaryo ng Resolution of Both Houses (RBH) No. 2, na naglalayong pagaanin ang mga maghihigpit na probisyon sa ekonomiya ng 1987 Saligang Batas.

Sa kanyang pagharap sa pulong balitaan ng Ugnayan sa Batasan, sinabi ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na hinahangad ng kanyang komite na makapagpalabas ng ulat sa RBH No. 2, matapos ang “isa o dalawa” pang pagdinig. Ayon sa kanya, nakatakda na ang susunod na pagdinig sa Enero 26.

Sinabi ni Garbin na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco ang RBH No. 2 noong buwan ng Hulyo 2019, na may buong suporta na isulong ang ayon sa kanya ay isang “makabuluhang reporma sa Saligang Batas.”

Noong nakaraang linggo, ang mga kasapi ng samahan sa supermajority sa kamara na pinangungunahan ni Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, ay lumagda sa isang manipesto ng suporta para sa pag-apruba ng RBH No. 2, at nangakong tatalakayin lamang ang mga probisyong pang-ekonomiya sa konstitusyon.

Isinasaad din sa manipesto na ang boboto ng magkahiwalay ang dalawang kapulungan ng kongreso sa anumang amyenda na gagawin sa konstitusyon.

Nang siya ay matanong kung napapanahon ba ang panukala at kung maipapasa ba ito ng Kamara, sinagot ni Garbin na may pangangailangan na ihanda ang ekonomiya at kailangang maipaabot ang positibong senyales sa pandaigdigang komunidad ng mga negosyante. (Vina de Guzman)