Breaking News, Business

ECQ SA 3 BARANGAY SA BONTOC, MOUNTAIN PROVINCE

SIMULA alas-12:00 ng hatinggabi ng Enero 25, isasailalim na sa mala-enhanced community quarantine (ECQ) na lockdown ang tatlong barangay sa Bontoc, Mountain Province.

Sa ilalim ng Executive Order No. 8 na pinirmahan ni Mayor Franklin Odsey, hanggang Enero 31 ipatutupad ang mahigpit na lockdown sa mga Barangay ng Bontoc Ili, Caluttit at Poblacion.

Kabilang sa specific guidelines ng kautusan ang mandatoryong pagsusuot ng face mask at face shield; isang metrong distansya; paghuhugas ng kamay at pagbabawal na dumura.

Limitado naman sa pagbili ng “essential goods” ang paglabas ng mga residente sa kanilang bahay, na dapat ay may isang miyembro lang ng pamilya na lalabas.

Ipinagbabawal ang paglabas ng mga menor de edad na 15-anyos pababa, at mga senior citizen na 65-years old pataas. Pati na ang mga may ibang sakit at buntis.

Ganundin ang pagpapatupad ng liquor ban at curfew mula alas-7:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.

Bawal din muna ang social gatherings tulad ng misa, kasal; operasyon ng public tricycle at transportation sa central barangays; van for hire ng mga turista; at dine-in sa restaurants.

Ipinatitigil naman ng pansamantala ang mga barbershop, salons, hotel accommodation, at iba pang leisure activities.

Sa kabila ng lockdown, papayagan naman ang full capacity operation ng government offices at mga negosyo basta’t nakasunod sa health protocols.

Magde-deploy ng karagdagang contact tracers para matukoy ang nakasalamuha ng 12 UK variant cases ng bayan. (Eloise L.)