Breaking News, Showbiz

  Direk Perci Intalan nage-enjoy sa paghu-host; Die Beautiful ipalalabas sa One Screen

NAKATAGPO ng dagdag na career si Direk Perci Intalan bilang isa sa mga host ng online show na ‘Dear Future Grandkids’ kasama ang kanyang mga kaibigan at dating mga katrabaho sa Walt Disney Corporation na sina Angela “Ange” Cheung mula sa Hong Kong at Jien Soo, isang Malaysian pero sa Singapore ngayon nakatira. Ang ‘Dear Future Grandkids’ ay napapanood tuwing Sabado sa Facebook page at YouTube channel ng The IdeaFirst Company. 

Nakakabilib nga si Direk Perci na kahit super busy sa kanilang maraming proyekto sa The IdeaFirst Company ay nagagawa pang isingit sa schedule niya ang pag-host sa ‘Dear Future Grandkids.’ Nag-e-enjoy daw kasi siya lalo na kasama niya sa show ang kanyang Asian friends na sina Ange at Jien. Hindi lang daw basta reunion ang nangyari sa kanila kundi nakabuo pa sila ng isang makabuluhang online show.

“Kakaibang experience. Pero ang saya kasi naging close kami lahat nung magkakatrabaho pa kami sa Disney. Si Ange ang boss ko, si Jien ang host namin.  Pero maraming times din na magkaka-hangout lang kami. So parang naulit lang yun every week kahit nasa iba’t ibang bansa na kami at may kanya-kanyang buhay na kami,” ayon kay Direk Perci nang maka-chat namin siya sa Messenger.

Nagsimulang umere ang ‘Dear Future Grandkids’ noong February 13 and so far nagkaroon na sila ng tatlong guests – ang Asian Film Festival Best Actor na si Elijah Canlas, ang Malaysian celebrity na si Azura Zainal, at ang actress-host-activist na si Cindy Sirinya Bishop.

Ano ang naging takeaway ni Direk Perci or napulot niya sa interviews nila sa tatlong celebrities?

“Ang takeaway ko? Napakarami nating matutunan sa isa’t isa. Kahit pa mas bata sa atin. Every time nai-inspire ako sa mga sinasabi ng mga guests na natutunan nila sa mga pinagdaanan nila. At yung sense of family nila kahit iba-iba, ramdam mo na cherished nila,” sagot ni Direk Perci.

Nakatakda namang mag-guest sa ‘Dear Future Grandkids’ ngayong Sabado, March 6, 2pm ang Malaysian model, host, writer, life coach, radio DJ, and women’s rights activist na si Asha Gill. Mapapanood ito sa Facebook page at YouTube channel ng The IdeaFirst Company.

                        *****

NAGSANIB-PUWERSA ang Cignal TV at Regal Entertainment Inc. para maghatid sa mga movie enthusiast ng mga pelikulang minahal natin noon hanggang ngayon pati na rin ng award-winning movies na humakot ng parangal dito sa Pilipinas at sa ibang bansa. Mapapanood ang mga ito sa One Screen Channel tuwing weekends mula Marso hanggang Disyembre ngayong taon.

“Our long-term partnership with Regal Entertainment is hinged on providing entertainment as well as significance in the ideas and themes that we air,” pahayag ni Sienna G. Olaso, Cignal TV Inc. FVP and Head of Channels & Content Management. “We are excited to use the One Screen platform in bringing these masterpieces closer to the audience, presenting a thematic block of films that is unique for every month.”

Mauunang ipalabas sa One Screen ang award-winning at hit movie ni Direk Jun Robles Lana na ‘Die Beautiful’ ngayong Sabado, March 6. Sundan ang istorya ni Trisha, isang transgender na namatay sa isang beauty pageant. Panoorin ang husay ni Paolo Ballesteros bilang Trisha, na nagwaging Best Actor sa iba’t ibang award-giving bodies at international film festivals. Co-produced ng Regal Entertainment at The IdeaFirst Company ang ‘Die Beautiful.’

Susundan ito sa March 7 ng ‘So Connected’ directed by Jason Paul Laxamana. Panoorin kung paano nag-connect ang mga karakter ng mga bidang sina Janella Salvador at Jameson Blake.

Barkada movies at mga pelikulang tungkol sa pagkakaibigan naman ang nakatakdang mapanood sa Abril sa One Screen, sang-ayon sa temang ‘Barkada, Old and New.’ Kaabang-abang din ang susunod pang line-up ng mga pelikulang ipalalabas.

Patuloy naman sa pagbibigay ng quality movies sa mga Pinoy ang Regal Entertainment. Ayon nga sa COO and Vice President of Regal Entertainment Inc. na si Roselle Y. Monteverde, “It is imperative that we continue to materialize our big idea for this project: ‘Tatak Regal, Tiyak Na De-Kalidad’ by augmenting the Filipinos with high-brow and quality content that will enrich and widen their perspective on key matters in the country, at the same time letting them enjoy the experience.”

Kaya huwag palalampasin ang mga pelikula sa Regal Originals tuwing weekends simula ngayong Marso 6 at 7, sa ganap na 8pm sa One Screen Channel sa Cignal (CH. 9) at SatLite (CH. 35). Viewers may also access the channel via Cignal Play App, available on Android and iOS.

(BONGGA by GLEN P. SIBONGA / BISTADODAILYNEWS. NET)