Breaking News, Lifestyle

DIOKNO, 6 PANG BSP OFFC’LS, SABIT SA P1.75B NATIONAL ID

PATUNG-PATONG na kasong kriminal at administratibo ang kinahaharap ngayon ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno at mga opisyal ng Bids and Awards Committee (BAC) dahil sa P1.75 bilyong maanomalyang kontrata ng National ID System.

Sa reklamong inihain ni Ricardo Fulgencio IV ng Stop Corruption Organization of the Philippines Inc., nilabag umano ni Diokno nang pirmahan ang kontrata at mga opisyal ng BSP Bids and Awards Committee, kahit labag sa Government Procurement Reform Act at Anti Graft Corrupt Practices Act.

Dawit sa kaso sina Prudence Angelita Kasala na chairperson ng BAC; BSP Security Plant Complex head, Rogel Joseph Del Rosario, director ng BSP; Carl Cesar Bibat na tumatayong acting production manager ng BSP Security Plant Complex; Marianne Santos, vice chairman ng BAC; Salvador Del Mundo, at Giovanni Israel Joson na kapwa member ng BAC.

Nag-ugat ang kaso matapos matuklasan ni Fulgencio na may pinaborang kontraktor ang BSP Bids and Awards Committee na mayroong espisipikong brand ng mga materyales ang gagamitin sa Procurement ng National ID and Data System.

Maliwanag umanong paglabag ito sa Section 10 at Section 18 na nagbabawal sa espisipikong pangalan ng anumang produkto sa mga bidding sa pamahalaan.

Samantala, aminado si Fulgencio na nakalap lamang niya ang mga ebedensiya sa news clippings na naglabasan noong nakaraang taon.

Sumulat din umano siya sa Bangko Sentral ng Pilipinas upang humingi ng mga dokumento ngunit ipinasa siya sa nanalong bidder na All Card International bagay na hindi rin naman siya binigyan ng mga kailangan niyang papel.

Dahil dito, nagdesisyon siyang maghain ng reklamo sa Ombudsman at hiningi na maglagay ng isang Field Investigator para silipin ang kontrata ng BSP sa National ID and Data System. (Eloise L.)