Breaking News, Showbiz

Cristine Reyes at Diego Loyzaga magtatambal sa unang pagkakataon sa ‘Encounter’

MAGTATAMBAL sa unang pagkakataon sina Cristine Reyes at Diego Loyzaga para sa Philippine adaptation ng hit Korean drama series na minahal ng mga Pinoy, ang ‘Encounter,’ na handog ng TV5, Cignal, Sari Sari Channel at Viva Entertainment. Sa ilalim ito ng direksyon ni Jeffrey Jeturian.

Magsisimulang umere ang ‘Encounter’ tampok sina Cristine at Diego sa March 20 sa TV5. Ginagampanan ni Cristine ang role bilang si Selene, CEO ng Hotel d’ Trevi at anak ng isang prominenteng pulitiko. Sapilitang ipinakasal si Selene ng kanyang ina sa anak ng isang business tycoon kapalit ng suporta sa political career ng kanyang ama. Pero hindi nagtagal ang samahan nilang mag-asawa na nauwi sa annulment.

Ginagampanan naman ni Diego ang role bilang si Gino, isang free-spirited na binata na mai-in love kay Selene nang magkakilala sila at magkaroon ng chance encounter sa Ilocos.  Mag-iibigan sina Selene at Gino pero hindi magiging madali at masaya ang bawat sandali ng

kanilang relasyon dahil na rin sa nakaraang relasyon ni Selene sa dating asawa at sa pamilya nito lalo na ang mapanghamak at masama ang ugaling dati niyang biyenang babae. Bukod sa against all odds love story nina Selene at Gino, mai-in love din ang mga manonood sa magagandang lugar at tourist destinations sa Ilocos at Subic.

Tampok din sa cast ng ‘Encounter’ ang iba pang mahuhusay na mga artista na kinabibilangan nina Kean Cipriano, Robert Sena, Maricel Morales, Yayo Aguila, Louise delos Reyes, Gardo Versoza, Isay Alvarez, at iba pa.

Magiging happy ending pa rin ba ang pagmamahalan nina Selene at Gino sa kabila ng mga sigalot at pagsubok sa kanilang relasyon? Subaybayan ang mga kaganapan sa ‘Encounter,’ na mapapanood tuwing Sabado, 8pm, sa TV5 simula sa March 20. May catch-up airing din ito tuwing Linggo, 9PM simula sa March 21 sa Sari Sari Cignal TV CH. 3 and SatLite CH. 30. Encounter can also be watched Live and On-demand via Cignal Play App.

(BONGGA by GLEN P. SIBONGA / BISTADODAILYNEWS. NET)