Breaking News, Nations

“Cooperative banking act of 2021” aprubado

Inaprubahan ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang substitute bill na naglalayong irehistro, isailalim sa regulasyon at pagpapatakbo ang mga cooperative banks.

Ang panukalang “Cooperative Banking Act of 2021” ay naglalayong imandato ang pamahalaan na himukin at tulungan ang pagtatatag ng mga cooperative banks (CBs) upang maging madali ang pangungutang sa pasilidad sa makatarungang tuntunin.

Mayroong 15 matatag na organisasyon ng kooperatiba ang rehistrado sa ilalim ng Cooperative Code na maaaring irehistro bilang CB sa Cooperative Development Authority, kapag nakapagtalima sila sa mga kinakailangang rekisitos at ang otorisasyon mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Ang pagiging miyembro sa CB ay bukas para sa mga: 1) Kooperatiba ng lahat ng uri ng kategorya; 2) Indibidwal na miyembro ng kooperatiba; 3) Dayuhang kooperatiba; 4) Mga samahan at organisasyon; at 5) Mga indibidwal. Ang pangasiwaan ng CBs ay pamamahalaan ng mga patakaran at alituntunin na ipinaiiral ng BSP, sa kanilang pakikipag-ugnayan sa CDA.

Para mapanatili ang kalidad ng pamamahala ng bangko at magawaran ng nararapat na proteksyon sa mga depositor at pangkalahatang publiko, ang BSP ay magpapatupad ng wastong kwalipikasyon ng mga direktor at opisyal ng bangko.

Ang substitute bill ay para sa HB 2435 ni COOP-NATCCO Party-list Rep. Sabiniano Canama; HB 7765 ni Parañaque City Rep. Joy Tambunting; at HB 7878 ni Deputy Speaker Pablo John Garcia.  (Vina de Guzman)