Breaking News, Showbiz

Cloe Barreto tiniyak na ‘di mabibitin ang kalalakihan sa kanya

AMINADO si Cloe Barreto na biggest break niya ang pelikulang ‘Silab’ na pinamahalaan ng batikang direktor na si Joel Lamangan.

Bida na nga rito ang Belladonnas member na si Cloe at katuparan ito nang pangarap na matagal na niyang inaasam.

Masayang wika ng tsinitang aktres, “Masaya po, kasi iyong paghihintay nang matagal, eto na po yung resulta. Nagbunga na po, eto na yung bunga.”

Desidido ang newbie actress na marmarka sa mundo ng showbiz, kaya handa raw niyang gawin at ibigay ang lahat para sa kanyang showbiz career.

Esplika ni Cloe, “So, parang pumasok po sa isip ko na, ‘Gagawin ko ang lahat’, ibibigay ko po ang lahat para sa pelikulang ito. Kasi ito na po yung pinakahihintay ko nang matagal na matagal na, eh.”

Sa pelikulang ‘Silab,’ sina Cloe bilang si Ana at Marco Gomez sa papel na Rod, ay kapwa may asawa na. Subalit naghanap si Cloe ng kakaibang init ng pagmamahal kay Rod, na hindi niya nararamdaman sa mister niyang si Jason Abalos.

Isang babaeng wild daw ang karakter na ginampanan ni Cloe sa pelikulang ito, kaya naman inusisa namin kung ang ginawa niyang pasilip sa pelikulang ‘Anak Ng Macho Dancer’ ay mas higit pa sa ‘Silab’ dahil bida na siya rito?

Nakatawang sagot ni Cloe, “Abangan po nila, hahahaha!”

Dapat bang asahan ng mga barakong manonood nito na hindi sila mabibitin sa mga pasabog ng alindog dito ng aktres?

Nakangiting saad ni Cloe, “Feeling ko po, hindi naman sila mabibitin sa movie namin.”

Pakli pa niya, “Siguro po yung iniisip ng iba, na gustong mapanood… makikita po nila sa movie namin.”

Si Cloe ay nasa pangangalaga ng mabait na talent manager at lady boss ng 3:16 Events & Talent Management na si Ms. Len Carrillo.

Ang ‘Silab’ ay mula sa panulat ni Raquel Villavicencio at under ng 3:16 Media Network. Tampok din dito sina Lotlot de Leon, Chanda Romero, Jim Pebanco, Quinn Carrillo, Karl Aquino, at iba pa.

(SILIP by NONIE NICASIO / BISTADODAILYNEWS.NET)