Breaking News, Showbiz

Cloe Barreto at Marco Gomez thankful sa big break sa ‘Silab’

PUNO ng kagalakan at pasasalamat sina Cloe Barreto at Marco Gomez sa big break na natanggap nila para pagbidahan ang pelikulang ‘Silab’ directed by Joel Lamangan and produced by 3:16 Media Network Production.

“Masaya po ako and thankful kasi eto po yung matagal ko nang pinakahihintay. Eto na po yung bunga ng paghihintay at hardwork ko,” sabi ni Cloe.

Kaya naman ibinigay na raw ni Cloe ang lahat sa kanyang role para mapaganda rin ang pelikula kahit pa marami siyang daring at sexy scenes. Lalo pa nga ang direktor nila ay si Direk Joel na una niyang nakatrabaho sa ‘Anak Ng Macho Dancer.’ “Pumasok po sa isip ko na, ‘Gagawin ko ang lahat,’ ibibigay ko po ang lahat para sa pelikulang ito. Kasi ito na po yung pinakahihintay ko nang matagal na e. Nandyan naman po si Direk Joel para i-guide ako at tulungan sa mga eksena. Pero aaminin ko po nung una po, nakakakaba talaga, kasi naririnig ko po sila na ganito, ganoon (si Direk Joel)… Pero para sa akin po kasi, parang challenge po iyon para mas mailabas ko pa yung dapat kong ilabas and para rin po hindi mapagalitan ni Direk.”

Pag-amin naman ni Marco, na-excite siya nang malaman niya ang big break niya bilang leading man ni Cloe. Pero kinabahan din daw siya. “Noong una, sobrang excited ako, lalo nang sinabi ni Direk Joel na, ‘Marco, Ikaw ang leading man doon.’ So, I was very excited about it. But then, when I went home, nandoon iyong kaba… kinabahan talaga ako. Kaya ang ginawa ko, nag-workout ako everyday at binasa ko iyong script araw-araw, para maging perfect yung shoot.”

Todo-workout nga raw si Marco bilang paghahanda sa mga eksena na kailangan niyang magpakita ng katawan. “Iyon ang part ng preparation ko, nagpa-sexy ako ng katawan. Kasi ang mga shoot namin, lagi kaming nasa beach e, kapag nasa beach ang suot ay madalas na naka-sando, trunks or topless,” lahad ni Marco.

Handang-handa na nga raw si Cloe na pasilabin ang damdamin at pantasya ng mga kalalakihan gayundin si Marco sa mga kababaihan at kabadingan. Hindi raw nila bibiguin ang mga manonood ng ‘Silab.’

Hindi baguhan sa showbiz sina Cloe at Marco dahil si Cloe ay miyembro ng all-girl group na Belladonnas habang si Marco naman ay bahagi ng all-boy group na Clique V. Nasa ilalim sila ng pangangalaga ng 3:16 Events & Talent Management na pinamumunuan ni Ms. Len Carrillo, na labis ding pinasasalamatan nina Cloe at Marco.

Ang ‘Silab’ ay mula sa panulat ni Raquel Villavicencio. Tampok din sa pelikula sina Jason Abalos, Lotlot de Leon, Chanda Romero, Jim Pebanco, Karl Aquino at Quinn Carrillo.

(BONGGA by GLEN P. SIBONGA / BISTADODAILYNEWS. NET)