Breaking News, Showbiz

Claudine may lovescene with Gerald Santos; show ni direk Bobet matsutsugi sa TV5?

KAMAKAILAN ay pumirma ang aktres na si Claudine Barreto sa Borracho Production na pagmamay-ari ng kaibigan nitong si Atty. Ferdinand Topacio, para sa kanyang pagbabalik-pelikula.

Kasabay din ito nang pagpirma ni Claudine bilang pinakabagong endorser ng Cathy Valencia Skin Care product.

Anim na taong namahinga sa mundo ng showbiz si Claudine at sa kanyang pagbabalik ay isang pelikulang ididirek ni Joel Lamangan ang kanyang gagawin, kasabay sa pagpirma niya ng kontrata ang presscon kung saan naroon din sina direk Joel, scriptwriter na si Eric Ramos at ang mga makakasama niya sa movie na sina Gerald Santos at Kara Madrid.

Diumano nga, sa movie ay magkakaroon sila ng lovescene daw ng singer-actor na si Gerald  Santos. Hindi pa raw naisusulat nang buo ng scriptwriter ang istorya ng movie kaya wala pang maikukuwento sina Claudine at Gerald pero kapwa naman daw sila excited kung ano ang mangyayari sa pelikula.

****
Direk Bobet mawawala na ang noontime show sa TV5?

USAP-USAPAN ngayon sa social media na mawawala na ang noontime show ng TV5 na ‘Launch Out Loud o LOL.’ At may ilang nagsasabi na hanggang Marso na lang ito ngayong taon.

Totoo kaya ang balitang ito na kung magkakatotoo ay apektado na naman ang kalilipat lang na dating direktor ng ‘It’s Showtime’ na si Bobet Vidanes na direktor ngayon ng ‘Lunch Out Loud’ at ang mga main host nitong sina Billy Crawford, Alex Gonzaga, K Brosas, Bayani Agbayani, Wacky Kiray at Kc Montero, under Brightlight Production din ang kanilang noontime show.

Kamakailan lang ay biglang tsinugi ang kanilang Sunday variety show na ‘Sunday Noontime Live’ o SNL na under Brightlight Production din na kinabibilangan ng mga host na sina Piolo Pascual, Maja Salvador, Catriona Gray at marami pang iba na biglang nawalan ng trabaho dahil sa pagkawala sa ere ng show.

Ani ng maraming netizens ngayon na baka ipapalit din daw ang ‘It;s Showtime’ sa oras ng LOL sa TV5 pag tsinugi ito sa Marso tulad ng nangyari ‘ASAP Natin To’ na ipinalit sa tsinuging ‘Sunday Noontime Live’ SNL nina Piolo at Maja.

(STARS EVENTS by MIKO CAYAGO / BISTADODAILYNEWS.NET)