Breaking News, Lifestyle

Charter change, tinuligsa

“LIGTAS  na bakuna at sapat na ayuda ang panawagan ng mamamayan, hindi cha cha!”

Ito ang reaksyon ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro kaugnay sa muling pagbuhay ng kamara sa panukalang charter kasunod ng pandemya.

Giit ng mambabatas na hindi kailangan ng chacha para mabigyan ng solusyon ang lumalalang krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya.

May pamamaraan at kapangyarihan na umano ang administrasyong Duterte para tugunan at solusyunan ang lumalalang sitwasyon sa bansa kung saan ang isyu ay ang pagpili umano ng tamang desisyon at prayoridad.

Sinabi pa nito na ang pagsusulong sa chacha, gamit na dahilan upang resolbahan ang pandemya ay tumutugon sa sariling interes umano ng  pamahalaan para sa term extensions, political dynasties at no elections.

“Opening the gates of charter change is also only an excuse to slice and dice the Constitution for the personal purposes of those pushing for it. This is another desperate attempt of the Duterte administration to hold on to power, silence critics and remove those who have been exposing their shameless and disrespectful acts which ultimately make the Filipino people suffer,” dagdag ni Castro.
Naniniwala ito na hindi mareresolbahan ng Charter Change ang lumalaking bilang ng unemployment o reresolba sa health crisis.

Sinabi ni Castro na naparakarami pang pagkukulang ng gobyerno sa taumbayan sa usapin ng bakuna, ayuda at sapat na solusyong medikal at hindi ito masasagot ng panukalang charter change.

“Kung ang pagbubukas ng ekonomiya ang gustong amyendahan ng Kongreso, hindi kailangan ng cha cha para dito. Nakapagpasa na sila ng RA 7042 o ang Foreign Investments Act, nakakapaghain ng panukalang batas gaya ng CITIRA, Public Service Amendments na may epekto sa rin sa Foreign Direct Investments. At kahit pa ang panukalang amyenda ay naka pokus lamang sa economic provisions, dehado pa rin ang mamamayan rito dahil inaalis nito ang restriction sa foreign ownership. Ngayon pa nga lang na may restriction ay naabuso na ang ating kabundukan, kagubatan, at natural resources dahil sa walang habas na illegal logging, quarrying o mining ng mga multinational corporations,” ani Castro. (Vina de Guzman)