Breaking News, Showbiz

Celebrities maglalaban sa season finale ng ‘Bangon Talentadong Pinoy’

MAGBABAKBAKAN para tanghaling kampeon ang Celebrity Talentados para sa season finale ng hit talent show na ‘Bangon Talentadong Pinoy’ (BTP) na mapapanood ngayong Sabado ng gabi, March 13, sa TV5. 

Ang Celebrity Talentados ay kinabibilangan ng “breakout star of the pandemic” na si Kokoy De Santos na magpapakitang-gilas sa pagsasayaw katulad ng ginagawa niya sa kanyang trending TikTok videos. Ang seksing si Sheree ay paiinitin ang gabi ng kanyang pole dancing skills. Pabibilibin ang lahat ng celebrity magician na si Jeff Tam sa pamamagitan ng kanyang magic tricks. Ang PBB twins na sina Joj at Jai Agpangan ay magpe-perform ng death-defying aerial hoop stunt. Boses naman ang gagamitin ng celebrity hunk na si Aljur Abrenica sa ipamamalas niyang pagkanta.

“This has been an incredible season with interesting performances from celebrity contenders known as celebrity talentados,” sabi ng BTP host na si Ryan Agoncillo, “They have been showcasing top-tier talent and we’re constantly blown away by the powerful stories they continue to tell through their performances. Just wow!”

Mas magiging intense pa ang kumpetisyon sa celebrity edition dahil haharap sila sa celebrity judges na sina Direk Cathy Garcia Molina, Ruffa Gutierrez at Joross Gamboa.

Ang tatanghaling celebrity champion ay mag-uuwi ng premyong P 100,000 in cash.

Ang ‘Bangon Talentadong Pinoy’ ay ang revived version ng Talentadong Pinoy, ang dating hit and long-running talent competition ng TV5. Simula noong bumalik ito sa ere noong August 2020, sari-saring talento na ng mga Pinoy ang naipamalas sa show. Nakakabilib din na sa kabila ng pandemya at mahigpit na quarantine restrictions ay matagumpay pa rin nitong naisakatuparan ang layuning magpasaya at magpamangha ng mga manonood sa iba’t ibang talento ng regular contestants. Halos P4 million worth of cash prizes na ang naipamigay sa may 300 contestants ng show.

Kaya huwag palalampasin ang exciting na season finale tampok ang celebrity edition ng ‘Bangon Talentadong Pinoy’ ngayong Sabado, March 13, 8pm sa TV5.

(BONGGA by GLEN P. SIBONGA / BISTADODAILYNEWS. NET)