Breaking News, Showbiz

Buboy Villar gagampanan ang buhay ni Betong sa ‘MPK’  

TUNGHAYAN ang nakakaantig na kuwento ng buhay ng Kapuso comedian at TV host na si Betong Sumaya ngayong Sabado, Marso 27, sa bagong episode ng real-life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.

            Pagbibidahan ng aktor na si Buboy Villar ang episode kung saan ipapakita ang buhay ng kanyang kapwa komedyante bago pa man ito naging isang ganap na artista.

            Bago pasukin ang mundo ng showbiz, sa likod ng kamera ang naging trabaho ni Betong. Aminado siya na pangarap na niyang maging artista simula pa noong bata siya.

Matatandaang nakilala si Betong matapos sumali at manalo sa reality show na ‘Survivor Philippines: Celebrity Doubles Showdown’ noong taong 2011. Ito ang nagbukas ng pintuan para sa kanyang karera sa showbiz.

Sa kasalukuyan, isa na si Betong sa mga pinagkakatiwalaang komedyante ng GMA Network. Napapanood din siya bilang host sa world-class singing competition for kids na ‘Centerstage’ at siya rin ay mainstay performer sa weekend variety program na ‘All-Out Sundays’ at isa cast ng longest-running gag show na ‘Bubble Gang.’

            Bukod dito, may sarili na rin siyang YouTube channel na nagiging source ng good vibes para sa mga fans at netizens.

Tampok din sa episode sina Epy Quizon at Candy Pangilinan bilang mga magulang ni Betong. Huwag palampasin ang “The Ultimate Survivor: The Amazing Story of Betong” ngayong Sabado, March 27, 8:00 pm sa ‘#MPK.’

(STARWORLD by ROMMEL GONZALES / BISTADODAILYNEWS.NET)