Breaking News, Business

BTS sa Kongreso

NAGSANIB  puwersa sina dating Speaker Alan Peter Cayetano at anim na kaalyado nitong mambabatas para magbuo ng isang grupo o bloc sa kamara na tinawag nilang “BTS sa Kongreso,” base sa isang sikat na South Korean boyband.

Isang media event ang gaganapin ngayong Huwebes sa Quezon City para sa paglulunsad ng naturang grupo na inaasahang magsisilbing boses sa mga isyu at polisiya ni Speaker Lord Allan Velasco.

Ang grupo ni Cayetano ay kinabibilangan nina Camarines Sur Rep, Luis Raymund Villafuerte Jr., Laguna Rep. Dan Fernandez, Batangas Rep. Raneo Abu, Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado at Capiz Rep. Fredenil Castro.

Sina Villafuerte, Fernandez, Abu, at Castro ay nagsilbing mga deputy speakers sa ilalim ng liderato ni Cayetano habang sina Sy-Alvarado at Defensor ay nagsilbing chairman naman ng House Committees on Good Government and Public Accountability at Public Accounts.

Kung matatandaan noong 17th Congress, binuo ng pitong mambabatas ang isang independent bloc matapos pagtalunan ang usapin sa minority leadership na tinawag nilang “Magnificent 7,” base sa titulong ng pelikula noong 2016 na pinagbibidahan ni Denzel Washington.

Noong 1999, binuo naman ng mga nakababatang kongresista ang ‘spice boys’ na kritikal sa dating pangulong Joseph Estrada, na katapat sa kilalang British girl group na Spice Girls kung saan miyembro din noon si Defensor.

Ang grupong BTS o kilala bilang Bangtan Boys ay binuo noong 2010 at kinabibilangan nina RM, Jin, Suga, J-Hope, Jimin, V, at Jungkook. (Vina de Guzman)